DATING DILG SECRETARY MEL SARMIENTO, BUMISITA SA BAYAN NG LINGAYEN

DATING DILG SECRETARY MEL SARMIENTO, BUMISITA SA BAYAN NG LINGAYEN
Bumisita sa bayan ng Lingayen si dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary at ngayo’y Galing Pook Foundation Chairperson Mel Senen S. Sarmiento upang ibahagi ang mga magagandang programa at adbokasiya na may kinalaman sa pag aayos at pagpapaunlad ng isang komunidad base na rin sa kanyang mga naging karanasan bilang isang public servant.
Mainit itong tinaggap ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Leopoldo N. Bataoil, Vice Mayor Dexter Malicdem, mga konsehal, barangay officials at mga empleyado ng munisipalidad kasabay nang idinaos na flag ceremony ngayong araw ng Lunes, Setyembre 19, 2022.
Unang nagbigay ng kanyang malugod na pagbati si Mayor Bataoil sa naturang bisita na kanyang inilarawan bilang isang magandang ehemplo ng isang lider at isang lingkod bayan. Ayon sa alkalde, ang kanyang mga nasaksihang ‘performace’ ni Sarmiento ang isang dahilan kung bakit ang lokal na pamahalaan na kanyang pinamumunuan ay patuloy na nagbibigay ng de-kalidad na serbisyong publiko sa mga kababayan.
“Isa po ito sa hinahangaan namin noong siya’y nasa LGU pa lamang ng Samar. Napakahusay ng kanyang pamamalakad at napakaganda rin ng performance niya doon din sa ating kongreso. We are proud to say that we are the center, we are the focus of good governance and quality public service. Here in Lingayen, politics is only for 45 days dahil pagkatapos ng kampanya, wala ng pulitika–serbisyo na agad. And I remembered the service that you’ve rendered in your town, all of your best practices ay ina-aapply po namin dito, sir secretary” pahayag ng alkalde.
Samantala, nabigyan ng pagkakataon si Sarmiento na siya ding Guest Honor and Speaker ngayong araw na ibahagi ang mga best practices na kanyang nalalaman base na rin sa mga naging karanasan nito noong siya alkalde, kongresista at ngayo’y
chairman ng Galing Pook Foundation.
Kabilang sa kanyang tinalakay ay ang mga hakbang kung paano pa mapapalakas ang ugnayan ng mga lokal na pamahalaan at nasyunal lalo na sa pagtugon ng suliranin ng isang bayan, mga programa at proyekto na makakatulong sa mga kababayan pati na ang maayos na paghawak sa kaban o pondo ng bayan.
Ibinahagi din nito ang mga pinagdaanang pagsubok at problema noong siya’y alkalde ng Calbayog City. Aniya, naging pahirapan para sa kanila ang paghahanap ng pondo upang masustentuhan ang mga proyekto sa siyudad na kanyang pinamumunuan. Ngunit dahil aniya sa maayos na ‘strategic planning’ at maayos na partnership sa iba’t ibang organisasyon ay nagawan ito ng paraan. Ito aniya ang naging susi kung bakit ang Calbayog City ay nakapasok sa top 10 ng mga mayayamang bayan na dati umanong nanguna sa listahan ng mga pinakamahirap.
Pinayuhan din nito ang mga opisyales na ipagpatuloy lamang ang pagbuo ng mga programa at proyektong may layuning i-angat at paunlarin ang bayan na pinamumunuan kahit pa batuhin umano ng kaliwa’t kanang pambabatikos.
“Hayaan ninyo lang yon. Basta ang importante, kung alam ninyo na ang ginagawa nino ay para sa kapakanan ng inyong mga tao, ituloy tuloy ninyo lang yan. Madali kasi magkomentaryo e, pero pag ikaw ang nasa kalagayan, mahirap na gawin. Kaya ang importante, tuloy tuloy lang, laban lang” ani Sarmiento.
Sa huli, inimbitahan ng opisyal ang publiko na suportahan ang isinusulong na national roadmap ng pamahalaan na Ambisyon Natin 2040 na may layuning isulong ang trabaho at mas mataas na sahod, mas kumikitang mga negosyo, edukasyon at kalusugan para sa lahat, pabahay at maayos na transportasyon, kahandaan sa mga kalamidad, kapayapaan at seguridad pati na ang tapat na pamamahala na tutugon sa pangangailangan nating mga Pilipino. (MIO)
📸MIO/ GcRueda/DDeGuzman/CCacondangan/DjEstrada

Contact Info

#1 Bengson Street, Lingayen, Pangasinan, 2401

Phone: (075) 632-4337 Fax: (075) 632-4337 Email: lingayen.lnb[at]gmail.com

Phone Numbers

Mayor's Office(075) 632-4337
Lingayen Police(075) 206-0042
Fire Department(075) 542-7080
LDRRMO(075) 633-5702
DILG Office(075) 542-2396

See All Phone Numbers

Facebook Page

Documents

Copyright © 2019. Municipality of Lingayen, Province of Pangasinan. All rights reserved.

POWERED BY:

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan