
DEADLINE NG DILG PARA SA ROAD CLEARING, MULING PINALAWIG
Suspendido muli ang national assessment at validation ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Memorandum Circular No. 2020-145 o Road Clearing Operation 2.0 (RCO 2.0).
Ito’y upang mabigyan ng pagkakataon umano ang mga local government units (LGUs) na iprayoridad ang idaraos na COVID-19 mass vaccination program ng pamahalaan.
Dahil dito, muli namang nanawagan ang Lokal na pamahalaan ng Lingayen sa publiko lalo na sa mga kababayan na alisin na ang lahat ng mga nakakasagabal sa mga kalsada sa kanilang mga lugar.
Panawagan ni Mayor Leopoldo N. Bataoil na gamitin ang pagkakataon upang malinis pa ang mga natitirang road at sidewalk obstructions na itinuturing na mapanganib sa mga motorista at mga pedestrian.
Bagama’t malaking hamon ang road clearing, sinabi ni Mayor Bataoil na kailangang maisagawa ito bilang pagsunod sa utos ng ng pamahalaang naysonal ngunit kanya ding idiniin ang payapang pamamaraan o implementasyon.
“Basta ang guidance ko doon, it is always wise to inform the target structure/owner with a formal notification and then ensure that the subject understood the intention of the Local Government” ayon sa alkalde.
Pinapaalalahanan din niya ang lahat ng bumubuo sa clearing taskforce na sundin ang mga minimum health standards habang isinasagawa ang kanilang road clearing operations.
Sinabi din nito sa pulisya na magtalaga lamang ng dalawang tauhan na magbabantay sa bawat bahay o lugar na ide-demolish o gigibain alinsunod na rin sa kahilingan ng kanyang mga kababayan.
“Please minimize the number of policemen kasi yon ang request nila. Sabi nila sa akin, Mayor willing naman po kaming idemolish yong extension namin dito, huwag lang maraming pulis at nakakahiya.”
Matatandaang ang orihinal na deadline sa road clearing ay noong Enero 15 ngunit ini-urong noong Enero 22.
Muli naman itong pinalawig mula Pebrero 15 habang sa darating na Marso 2, 2021 naman ang inaasahang validation ng naturang tanggapan. (MIO)