
DENGUE CASE NG LINGAYEN, BUMABA NG HALOS 50 PORSYENTO
Bumaba ng nasa halos singkwenta porsiyento (50%) ang kaso ng dengue sa bayan ng Lingayen mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon.
Ayon sa ulat ng Municipal Health Office o MHO Lingayen, may 156 na kaso lamang ng dengue mula Enero 1 hanggang Oktubre 7, 2020–50% na mas mababa kumpara sa 323 na kasong naitala sa parehong panahon noong 2019.
Nakapagtala ang Rural Health Unit 1 ng isang daan at pito (107) na bilang habang apatnapu’t siyam (49) naman sa Rural Health Unit 2.
Bagama’t mababa, nagbabala pa rin si Municipal Health Officer Dr. Sandra Gonzales na hindi dapat maging kampante ang publiko. Aniya, kinakailangan pa ring mapanatili ang kalinisan sa kapaligiran at maglaan ng kahit ilang minuto tuwing hapon para linisin o itaob ang anumang mga bagay na maaring pamahayan ng mga lamok na nagdadala ng dengue.
Tiniyak naman ng MHO na tuloy pa rin ang kanilang mga programa kontra dengue kahit nakakaranas ng pandemic dulot ng COVID-19. Prayoridad pa rin umano nila ang misting operations maging ang pagsasagawa ng information/education drive kada barangay.
Pinapayuhan din ang publiko na sumunod sa “4S strategy” upang maiwasan ang dengue:
-Search and destroy of breeding sites o suyurin at sirain ang mga maaaring pamugaran at pangitlugan ng lamok;
-Secure self-protection measures o pagsusuot ng mahahabang manggas, paglalagay ng mosquito repellent;
-Seek early consultation o pagsangguni sa pinakamalapit na health center o ospital sakaling nilagnat ng dalawang araw o higit pa; at
-Support fogging, spraying during impending outbreak o pagsuporta sa gagawing spraying lalo na kung sunud-sunod na ang kaso ng dengue sa inyong barangay.
Samantala, may isang naitalang kaso ng Malaria ang naturang tanggapan na mula umano sa Brgy. Maniboc at may travel history sa South Africa at Kenya ang pasyente. Pitong kaso lamang din ang naitala sa Measles o tigdas habang zero case naman sa Leptospirosis. Lahat aniya ito ay zero mortality case o walang naitalang pagkamatay. (MIO)