
DISIPLINA, MATIBAY NA PANLABAN SA COVID-19
Muling nanawagan ang lokal na pamahalaan ng Lingayen sa publiko na panatilihin ang disiplina upang tuluyan ng mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa, ito ay sa kabila din ng pagtatala ng walong (8) active cases ngayon sa Lingayen.
Ayon sa Municipal Health Office (MHO) Lingayen, bagama’t nasa kategorya na ng Modified General Community Quarantine o MGCQ ang bayan, napakahalaga pa rin umanong pairalin at sundin ang mga ipinapatupad na health protocols lalo’t ito aniya ang pangunahing sandata upang malabanan ang naturang virus.
Bukod sa pananatili lamang sa mga kabahayan, patuloy ang paki-usap ng mga health authorities na sundin din ang iba pang pangkalahatang alituntunin tulad na lamang ng kalinisan sa katawan, pagsusuot ng wasto ng facemask at pag iwas sa maraming tao, pagdisinfect gamit ang alcohol, paglinis ng kapaligiran at pagpapanatiling malinis ang pagkain.
Nabatid na naglunsad ang Department of Health (DOH), katuwang ang DILG ng programang tinawag na “Bida ang may disiplina, solusyon sa COVID-19” na layong hikayatin ang publiko na maging makabayan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga quarantine protocol para sa ikabubuti ng marami.
Umaasa ang mga naturang tanggapan na sa pamamagitan ng naturang hakbang ay mas makikinig at magiging law-abiding citizens ang publiko upang matapos na ang kinahaharap na krisis dulot ng COVID-19.
Ipinag-utos na rin ang masusing contact tracing sa mga nakahalubilo ng mga nagpopositibo habang ipinatutupad din ang pagtatala ng mga pangalan at iba pang detalye ng mga naglalabas masok sa munisipyo upang maging reference kung kinakailangan.
Samantala, nanawagan din si Mayor Leopoldo N. Bataoil na tigilan na ang diskriminasyon sa pamilya ng mga indibiwal o mga kababayan na nagpositibo sa COVID-19.
Paki-usap ng alkalde, huwag pandirihan o libakin bagkus ipagdasal na lamang sila para sa kanilang mabilisang paggaling. (MIO)