
DISPLACED WORKERS SA SEKTOR NG TURISMO, MAY NAKALAANG AYUDA
Tinatawagan ngayon ng pansin ng Lokal na Pamhalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang lahat ng mga empleyado ng private establishments o ang mga tourism related worker sa bayan na na-displace dahil sa pandemya na mag-apply para sa financial assistance ng Department of Tourism (DOT) at Department of Labor and Employment (DOLE) .
Ngayong araw, ika-10 ng Disyembre, 2020 pinulong mismo ni Mayor Bataoil ang ilan sa kanyang mga empleyado na bumubuo sa opisina ng Municipal Tourism Office, Municipal Information Office, Business Permit and Licensing Office at Human Resource Management Office upang pag usapan ang mga hakbang na maaaring ilatag o gawin para sa pagbibigay ng naturang cash assisstance sa mga kababayan.
Bibigyan umano ng one-time financial aid na nagkakahalaga ng P5,000 ang mga manggagawa na nawalan ng trabaho tulad na lamang ng mga sumusunod:
-tour guide at service staffs mula sa mga hotels, resorts, restaurants at cafeteria
-mga empleyado sa ilalim ng DOT-accredited Primary Tourism Enterprise
-Local Government Units (LGU)-licensed primary tourism enterprises
-rehistradong Community-Based Tourism Organization (CBTO)
Inerekomenda din ni Mayor Bataoil na isama sa listahan ng mga tutulungan ang Tricycle Operators and Drivers Associatio o TODA members pati na ang mga padyak o iba pang transport sector na lubos na naapektuhan ng pandemya dulot ng COVID-19.
Samantala, para sa aplikasyon nito, maaari direktang magsumite ng kanilang online application ang mga interesadong indibidwal sa https://reports.dole.gov.ph/.
Para mag-apply sa CAMP, maaaring piliin ng aplikante ang opsyon na “Apply for Covid-19 Adjustment Measures Program o CAMP Financial Assistance”. Kung mag-aapply para sa mga manggagawang tinanggal sa trabaho, kailangan lamang nilang punan ang online form.
Ang bawat aplikante ay bibigyan ng tracking number para i-monitor ang kalagayan ng kanilang aplikasyon.
Pwedi ding personal na magtungo sa itinalagang assisstance Desk ng LGU ang mga walang access sa social media o internet.
Nilinaw naman ng LGU Lingayen na ang lahat ng aplikasyon ay dadaan sa evaluation at susuriin muna ng DOLE kung ‘eligible’ o karapat-dapat sa tulong ang mga aplikante.
Makatatanggap ang aplikante ng email ng notice of approval o notice of detail makalipas ang 3 araw. Puwedeng ma-deny ang aplikasyon ng employer dahil sa ineligibility, misrepresentation of facts, at submission of falsified documents.
Idederetso ng DOLE regional office ang tulong pinansiyal sa payroll account ng benepisyaryo sa pamamagitan ng bank transfer.
Ipinatutupad ang CAMP at TUPAD batay sa layunin ng Republic Act No. 11494 o ang Bayanihan to Recover as One Act para tugunan ang malawakang epekto ng pandemyang COVID-19 sa ekonomiya. (MIO)