Skip to main content

DISTRIBUSYON NG 2ND SAP, WALA PANG ISKEDYUL-MSWDO

Kumpiyansa ang lokal na pamahalaan ng Lingayen na masisimulan ng ipamahagi sa mga kababayan ang ikalawang tranche ng cash aid mula sa Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga susunod na araw.

Ito ang pahayag ni Municipal Social Welfare and Development (MSWD) Officer Lorenzana Decena.

Ayon sa opisyal, kasalukuyan nang isinasapinal ng DSWD regional office ang listahan ng mga benepesyaryo sa bayan upang masimulan na ang distribusyon ng ayuda.

Natagalan aniya ang liquidation report pati na rin ang validation process ng DSWD kung kaya’t hindi agad na-iskedyul ang distribution ng 2nd tranche.

Hindi pa din aniya alam ng kanilang tanggapan kung ano at sino ang kanilang magiging kaagapay o partner banks sa pamamahagi ng naturang cash aid.

“Sa ngayon wala pang eksaktong schedule na binibigay. Mayroong 2nd tranche ng SAP, hindi lang natin alam kung kelan talaga at saka hindi pa din natin alam kung sino ang magiging partner bank natin” ani Decena.

Samantala, pinabulaanan naman ni Decena ang mga kumakalat na balita na kinakailangan pang kumuha ng cedula, barangay clearance, police clearance at iba pang mga papeles para lamang makuha at maibigay ang ayuda o tulong mula sa pamahalaan.

Ayon dito, tanging valid ID’s lamang ang kelangang ipresenta upang makuha ng mga benepesyaryo ang kanilang ayuda.

Hindi rin umano nila kailangang magbayad upang maberipika lamang na kasama pa rin ang kanilang mga pangalan sa listahan ng mga makakatanggap.

Nilinaw nito na makatatanggap muli ng cash assistance ang mga benepisyaryong nauna nang nakakuha ng ayuda basta’t kwalipikado ang mga ito.

Mayroon din aniyang post payout validation ang DSWD para masigurong eligible ang benepisyaryong nakatanggap ng ayuda, at para rin masigurong walang nagdoble sa mga nabigyan ng ayuda.

Samantala, hindi pa matukoy ni Decena kung paano ang magiging proseso sa pamamahagi ng nasabing ayuda.

Pinag-aaralan pa umano ang paggamit ng digital payment scheme upang mapabilis ang SAP cash aid distribution.

Ngunit kung hindi aniya ito maipatupad, posibleng ituloy na lamang ang “big venue payout” o pagtitipon sa isang venue para ipamahagi ang SAP cash aid na may kasamang health at safety protocols. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan