DISTRIBUSYON NG MGA HYGIENE KITS AT SCHOOL SUPPLIES PARA SA MGA DAYCARE CENTERS, ISINAGAWA SA BAYAN NG LINGAYEN
Matagumpay ang isinagawang pamamahagi ng hygiene kits at school supplies para sa mga central area-daycare centers ng lokal na pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil kahapon, ika-9 ng Hunyo 2025, sa Lingayen Civic Center.
Ang aktibidad ay pinangunahan ng mga guro ng daycare centers sa central Lingayen sa ilalim ng Municipal Social Welfare and Development Office. Ayon sa MSWDO, ngayong araw, ika-10 ng Hunyo naman ang nakatakdang iskedyul ng pamamahagi sa Western Lingayen at bukas, ika-11 ng Hunyo naman sa Southern Lingayen. Nasa 1,500 na bilang naman ng mga mag-aaral sa 37 daycare centers ang mabibigyan ng hygiene kits at school supplies.
Kasabay ng naturang distribusyon, isinagawa rin ang oryentasyon sa mga magulang ng mga daycare pupils ang patungkol sa mga aktibidad na itinuturo ng mga guro, at kung ano ang mahalagang gampanin ng mga magulang o mga guardians sa paghubog ng kasanayan at kamalayan ng mga bata.
Ayon kay Mayor Bataoil, ang mga bata ay dapat bigyang halaga, pagmamahal at importansya kaya naman ay tuloy-tuloy ang mga aktibidad at programa ng lokal na pamahalaan para sa ikabubuti ng mga bata at maging para sa kanilang kinabukasan.
Hinihikayat naman ni Municipal Social Welfare and Development Officer Lorenza R. Decena ang mga magulang na maging sensitibo sa mga salitang binibitawan sa mga bata at nawaý mahalin ang mga ito ng buong puso para maramdaman ang tunay na pagmamahal ng isang magulang at lumaki sila ng may respeto sa kapwa.
Magsisimula naman sa Hunyo 23, 2025 ang pasukan sa mga daycare centers sa bayan. (MIO_JMMangapot)
MIO_TJEstrda