
DOG IMPOUNDING FACILITY, NAKATAKDANG IPATAYO NG LGU LINGAYEN
Upang tuluyan ng masolusyunan ang problema sa pagala-galang mga aso sa bayan, isinusulong ngayon ng lokal na pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang pagpapatayo ng Dog Impounding Facility.
Ayon sa alkalde, layon ng pagpapatayo ng naturang pasilidad na mapaigting ang responsableng pag-aalaga ng mga aso, maiwasan ang mga aksidente ng sasakyan o motorsiklo at mabawasan din ang pagkakalat ng kanilang dumi at mga basura sa paligid.
Nagreresulta din kasi umano sa pagtaas ng kaso ng rabbies sa bayan ang kapabayaan sa mga alagang aso.
Dahil dito, plano ni Mayor Bataoil na magpatayo ng Dog Impounding Facility na pansamantalang magiging tahanan ng mga mahuhuling alagang hayop.
Tiniyak naman na maaalagang mabuti ang mga aso lalo na’t plano nitong bumuo ng Dog Impounding Team na siyang mangunguna sa pagkumpiska at panghuhuli.
“We will be animal friendly. Hindi natin huhuliin ang mga yan para lang patayin, huhulin natin sila at ilalagay doon sa plano nating facility. Bubuo tayo ng impounding team at magkakaroon rin ng veterinary na mag aalaga at later on, ipapaampon natin sa mga may gusto” ani Mayor Bataoil.
Planong ipatayo ang Dog Impounding Facility sa tabi ng Materials Recovery Facility o MRF ng bayan.
Maliban dito, pinag aaralan na rin ng LGU Lingayen na pagmultahin ang may-ari ng mga asong nakakalat sa lansangan. (MIO)