Skip to main content

DRUG ABUSE PREVENTION AND CONTROL WEEK

Naki-isa ang Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil sa pagdiriwang ng Drug Abuse Prevention and Control Week.

Ang nasabing selebrasyon ay taunang idinadaos tuwing ikatlong linggo ng Nobyembre kung saan layunin nitong maipaalam sa publiko ang masasamang epekto ng iligal na droga.

Layon din nito na mabigyan ng karagdagang kaalaman ang mga mag-aaral at kabataan hinggil sa epekto nito sa kanilang kalusugan maging sa buong komunidad.

Una ng sinabi ni Mayor Bataoil na mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng iligal na droga sa bayan at mahaharap sa kaso ang sinumang mapatunayang gumagamit nito.

Sa katunayan, kanya ng inatasan ang lahat ng mga barangay officials na mahigpit na imonitor ang mga lugar na kanilang nasasakupan at panatilihin ang estado nito bilang mapayapang pamayanan at maging inspirasyon ng ibang bayan at probinsya hinggil sa pagsugpo sa illegal na droga.

Tuloy tuloy din ang Philippine National Police o PNP Lingayen sa pagsasagawa ng information dissemination o pagpapaalala sa publiko na ang pag-abuso sa ipinagbabawal na droga ay walang magagawang mabuti para lalo na sa kanyang ginagalawang komunidad sapagkat ito ang pinagsisimulan ng iba’t ibang uri ng krimen.

Maging ang tanggapan ng DILG Lingayen ay pinaigting din ang illegal drugs campaign sa kabila nang nararanasang pandemya dulot ng COVID-19.

Patuloy naman na hinihikayat ang publiko lalo na ang mga kababayan na aktibong makilahok sa nasabing kampanya sa pamamagitan ng pag-uulat o pagrereport ng mga gawaing may kinalaman sa iligal na droga at mga kahina-hinalang personalidad at pasilidad sa komunidad.

Tiniyak din ni Mayor Bataoil na patuloy na makikipagtulungan ang Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa pulisya at DILG upang masugpo at maresolba ito ng tama at patas na paraan. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan