
DRUG TESTING NG MGA DRUG SURRENDEREES, ISINAGAWA
Muling sumailalim sa drug testing ang mga drug surrenderees sa bayan noong Nobyembre 23, 2020.
Isinailalim sa naturang pagsusuri ang nasa labing anim (16) na indibidwal mula sa Brgy. Baay, sampu (10) sa Brgy. Libsong West at anim (6) naman mula sa Brgy. Matalava. Ang mga ito ay pawang mga sumuko sa Oplan Tokhang ng pulisya o mas kilala bilang mga Tokhang Responders.
Ayon sa Philippine National Police o PNP Lingayen, layunin ng nasabing aktibidad na tiyaking hindi na muling masasangkot sa iligal na droga ang mga sumukong personalidad.
Nasa mahigit tatlong daan umano ang mga tokhang responders na sumuko sa kanilang himpilan kung saan ay nakapagtapos na ng Community Based Rehabilitation Program o CBRP ng pamahalaan at wala naman na umano silang mga nakikitang bumalik sa paggamit ng droga batay sa kanilang ginagawang monitoring.
Naka-iskedyul naman ngayong araw sa nasabing drug testing ang Brgy. Basing, Brgy. Pangapisan North at Brgy. Pangapisan Sur.
Nangako naman ang PNP Lingayen na mas pai-igtingin pa ang kanilang pagbabantay at pagtutok sa kanilang kampanya kontra iligal na droga upang matiyak ang kalinisan at kaligtasan ng mga kababayan.
Samantala, nakiisa din ang pulisya sa barangay assembly ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na may layuning marinig at pag-usapan ang “semestral report” ng naturang barangay tungkol sa mga aktibidad, kaganapan, programa, proyekto pati na ang usaping pinansyal o pananalapi na nakakaapekto sa kanilang komunidad. (MIO)