
DSWD, NAMAHAGI NG LIVELIHOOD ASSISTANCE GRANT
Sinimulan na muli ang ikalawang bugso ng pamamahagi ng tulong pinansyal ng Department of Social Welfare and Development o DSWD sa ilang vendors at pedicab drivers sa bayan ng Lingayen ngayong araw Hunyo 17, 2021.
Tinatayang nasa 229 na indibidwal ang nabigyan ng ayuda sa ilalim ng programang Sustainable Livelihood Assistance Grant ng naturang tanggapan.
Pinangunahan mismo ng DSWD Regional Office ang pamamahagi ng tulong pinansyal katuwang ang Municipal Social Welfare and Development Office o MSWDO Lingayen.
Ayon sa dalawang tanggapan, karamihan sa mga nakatanggap ng ayuda ay pawang mga indibidwal na kwalipikadong nakasama na dati sa Social Amelioration Program (SAP).
Pitong libong (7,000) piso ang ibinibigay sa bawat vendor habang tatlong libong (3,000) piso naman sa mga pedicab drivers.
Para sa mga vendors, ang natanggap na pera ay gagamitin umano pandagdag sa kanilang puhunan habang pambili naman ng piyesa pati na mga protective gear ang matatanggap ng mga pedicab drivers upang masigurong ligtas ang mga ito habang naghahanap buhay.
Samantala, tulad ng paulit ulit na paalala ni Mayor Leopoldo N. Bataoil, ipinahatid nito ang mensahe para sa mga benipisyaryo kay Vice-Mayor Judy Vargas-Quiocho, dapat umanong gamitin ng mga benipesyaryo sa tamang paraan ang cash assistance na kanilang natanggap mula sa pamahalaan. Iwasan na aniya na gastusin ito para lamang sa bisyo at iba pang ilegal na aktibidad.
Ang Livelihood Assistance Grant ay tulong pinansyal na maaaring gamitin bilang dagdag puhunan o kapital sa maliliit na negosyo o panustos sa paghahanap ng trabaho ng isang pamilya. Ito ay isa sa mga ayuda ng pamahalaan na aagapay sa mga pamilyang higit na naapektuhan o patuloy na maaapektuhan ang kabuhayan sanhi ng kasalukuyang pandemya. (MIO)