
DTI TULOY ANG MONITORING SA PRESYO NG BIGAS
Tuloy tuloy ang isinasagawang inspeksyon o monitoring ng Department of Trade and Industry o DTI katuwang ang lokal na pamahalaan sa pamilihang bayan ng Lingayen.
Alinsunod ito sa umiiral na Executive Order (EO) No. 39 ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nagtatakda ng price cap sa bigas. Batay sa kautusan, ang lahat ng regular milled rice ay dapat na pumalo lamang sa presyong ₱41.00 kada kilo habang ₱45.00 ang per kilo ng well-milled rice.
Nagtutulungan sa paglilibot ang tanggapan ng DTI Lingayen, Market and Slaughterhouse Office at Municipal Agriculture Office na siyang nakaka-alam sa klase at teksto ng bigas at upang masigurong walang magaganap na mislabeling. Nilinaw naman ng mga ‘representatives’ ng mga nabanggit na tanggapan na ang kanilang ginagawang pagbisita o pag iikot ay bahagi ng monitoring at profiling kung saan kanila lamang sinusuri ang sumusunod:
-Presyo ng ibinibentang bigas
-Dami ng stock
-Posibleng oras nang pagkaubos ng stock
Hindi anila nanghuhuli ang mga ito ngunit sa halip ay pinagsasabihan ang mga nagtitinda na sumunod na lamang sa itinakdang presyo upang maiwasan ang karampatang parusa.
Samantala, bagama’t nagtakda ng price cap sa bigas, positibo pa rin ang ilang mga nagtitinda dito na mababawi pa rin ang kanilang tubo.
Ayon kay Ginang Zosima Guarin isang rice retailer sa pamilihang bayan, hindi na umano nito hinahangad pa ang malaking tubo pagdating sa kanyang benta. Sa katunayan, nakapako pa rin ang presyo ng mga ibinibenta nito sa dating halaga bago pa man ianunsyo ang mandated price cap.
“Okay lang ang presyo kahit maliit ang tubo. Hindi na ako ganoon nagtaas pa dahil ang gusto ko ay may mabiling mura pa rin ang mga kababayan natin. Ang importante ay makatulong pa rin tayo sa mga hirap sa budget” pahayag ni Guarin.
Taong 2008 pa nang unang buksan ni Ginang Guarin ang kanyang negosyong bigasan at sanay na umano ito sa pabago bagong presyo na itinatakda taon taon.
Ang pagpapatupad ng EO 39 ayon sa Malacanang ay maaring pansamantala lamang. Isinasagawa rin ito hindi lamang upang bantayan ang retail price kundi maging ang pagsusulong ng kampanya laban sa “hoarding, profiteering at smuggling”. (MIO_MRVinluan/JMAquino)