Skip to main content

EARLY WARNING SYSTEM, INILUNSAD SA ANIM NA BARANGAY SA BAYAN NG LINGAYEN

Bilang bahagi ng mas pinaigting na kampanya para sa seguridad at kaligtasan ng mamamayan laban sa banta ng mga kalamidad, inilunsad ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO) ang komprehensibong Early Warning System (EWS) sa anim na barangay sa bayan ng Lingayen.

Layunin ng sistemang ito na maagap na makapagbigay ng babala sa mga residente sa oras ng sakuna, at sabay na mapataas ang antas ng kahandaan ng buong komunidad. Isa rin itong mahalagang hakbang upang maiwasan o mabawasan ang pinsalang dulot ng mga natural na panganib tulad ng baha, lindol, bagyo, at storm surge.

Kabilang sa mga napiling barangay na bahagi ng naturang aktibidad ay ang Maniboc (Villa Maniboc), Libsong East (Baywalk Area), Pangapisan North (Sitio Aplaya), Pangapisan Sur/Dorongan, Domalandan East, at Poblacion (Alvear II). Batay sa isinagawang pagsusuri, ang mga lugar na ito ay kabilang sa mga “high-risk areas” o may mataas na posibilidad na maapektuhan ng mga kalamidad o bantang panganib.
Ayon sa mensahe ni Municipal Administrator Roberto Sylim, posibleng isa ang Lingayen sa mga kauna-unahang lokal na pamahalaan sa lalawigan na mayroon ng EWS. Hindi lamang umano ito makatutulong sa komunidad ngunit ito’y isang legasiya na maiiwan ng administrasyon ni Mayor Leopoldo N. Bataoil para sa kaligtasan ng kanyang mga kababayan.

Upang matiyak ang pagiging epektibo ng EWS, ito ay binubuo ng mga sumusunod na pangunahing bahagi:
Public Address System (PAS): May saklaw na 100 hanggang 150 metro para sa malinaw at agarang pagbibigay ng babala sa publiko.

CCTV Surveillance: Binubuo ng PTZ cameras na may kakayahang mag-zoom at gumalaw para sa mas malawak at detalyadong pagmamanman, at stable cameras para sa tuluy-tuloy na pagbabantay sa mga kritikal na lokasyon gaya ng tulay, daan, at mga evacuation area.
Siren System: May saklaw na higit sa 1 kilometro, nagsisilbing pangunahing alarma na magbibigay ng babala sa buong barangay sakaling may panganib.

Subalit, hindi nagtatapos sa paglalagay ng kagamitan ang EWS, ayon kay Vice Mayor Mac Dexter Malicdem, kinakailangan ng tuloy-tuloy na pagsubaybay at ebalwasyon upang mapanatiling epektibo ang sistema at matiyak na ito ay tumutugon sa mga nagbabagong kalagayan ng panahon at kapaligiran.

Ganito rin ang payo ni Municipal Local Government Operations Officer Gabriel Cornel, kinakailangan umano na tuloy-tuloy na mapalakas ang kaalaman hindi lamang ng mga kawani ng LGU gayundin ang mismong komunidad at bawat pamilya upang maging handa sa panahon ng kalamidad o mga sakuna.

Samantala ang pagpapatupad ng Early Warning System ay patunay ng aktibong pagtugon ng lokal na pamahalaan sa hamon ng climate change at iba’t ibang uri ng kalamidad, isang hakbang tungo sa mas ligtas at mas handang komunidad. (MIO_MRVinluan/PJBayog)
MIO/TJEstrada

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan