
EDUCATIONAL ASSISTANCE, IBINAHAGI SA MGA ESTUDYANTENG LINGAYENENSE
Dalawang daang (200) mga kabataan sa bayan ang maswerteng nakatanggap ng educational assistance mula sa Manila Teachers Partylist sa pakikipag-ugnayan ng lokal na pamahalaan ng Lingayen ngayong araw, Marso 25, 2021.
Limang libong piso (P5,000) ang ibinigay sa bawat estudyante at maaari nilang magamit para sa kanilang matrikula, mga aklat, pagkain, allowance at iba pa.
Naroon sa nasabing aktibidad sina Mayor Leopoldo N. Bataoil, Vice Mayor Judy Vargas-Quiocho, Councilor JM Crisostomo, Councilor Rasel Cuaresma at Councilor Dexter Malicdem na nagbigay din ng kanya-kanyang mensahe at payo sa mga kabataan.
Present din dito ang ilang kinatawan ng DSWD-Regional Office, MSWDO Lingayen at Manila Teachers Partylist sa pamumuno ni Congressman Virgilio “VG” Lacson.
Parehong ipinanawagan ni Councilor Malicdem at Councilor Cuaresma sa mga kabataan na huwag sayangin ang oportunidad na ibinigay para sa kanila.
Taos pusong pasasalamat naman ang ipinaabot ni Councilor Crisostomo sa Manila Teachers Partylist dahil sa paglalaan ng isang milyong pondo para sa kanyang mga kababayan.
Aniya, bilang isang konsehal at Chairman ng Committee on Education, natutuwa ito at sinusuportahan nila ang mga kabataang Lingayenense na nagsisikap sa pag-aaral para maabot ang potensyal at makatulong sa kanilang pamilya at komunidad sa susunod na mga panahon.
Kapwa naman hiniling ni Mayor Bataoil at Vice Mayor Quiocho sa mga kabataan na pagbutihin at bigyan ng importansya o pagpapahalaga ang kanilang pag-aaral. Naniniwala umano ang dalawang mataas na opisyal, na edukasyon lamang ang susi upang kanilang makamit ang mga pangarap sa buhay.
Maliban sa educational assistance, may scholarship ding inilaan ang Lokal na Pamahalaan ng Lingayen para sa mga incoming first year college students o mas kilala sa tawag na “Iskolar Ng Bayan”.
Ito ay akda ni Councilor Crisostomo na naglalayong magkaloob ng scholarship sa mga poor but deserving students sa bayan.
Habang 200 estudyante naman na nakatanggap ng educational assistance ay nagmula sa listahan ng mga nag-apply ng Scholarship Program ng LGU Lingayen na hindi naka-abot ng kotang grado para makapasok sa 100 na mga napiling Iskolar Ng Bayan. (MIO)