Skip to main content

EDUCATIONAL ASSISTANCE TINANGGAP NA NG MGA ISKOLAR NG BAYAN

Tinanggap na ng tinatayang nasa 224 na bilang ng mga estudyante sa bayan ang kanilang financial assistance mula sa programang Lingayen Scholarship Program ng Lokal na Pamahalaan.
Pinangunahan mismo ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang simpleng aktibidad na ginanap ngayong araw ng Huwebes, ika-13 ng Abril 2023 sa Lingayen Civic Center.
Tatlong batch ng mga ‘qualified students’ ang biniyayaan ng tig limang libong pisong (P5,000) para sa isang semestre na tulong pinansyal na maaaring gamitin para sa kanilang pag-aaral.
Limampung (50) bilang ang nabigyan mula sa 1st batch, siyamnapu’t apat (94) sa 2nd batch habang eksaktong isang daan (100) naman para sa mga 3rd batch.
Sa kanya namang mensahe, sinabi ni Mayor Bataoil na ang ipinamahaging educational assistance o ayudang pang-edukasyon ay mula mismo sa kaban ng bayan. Dagdag pa ng alkalde, naisakatuparan aniya ito sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga opisyal na naninilbihan sa lokal na pamahalaan.
Ito rin aniya ay karagdagang tulong sa mga gastusing kinahaharap ng mga magulang ng mga Lingayenenseng mag-aaral.
“As your mayor of this humble town, nakikita ko na may magandang patutunguhan ang bayan nating Lingayen with you. Gusto namin (LGU Lingayen) na tumulong sa inyo para makapag aral kayo ng maayos at mapaganda ang buhay niyo. Gusto naming makatapos kayo at makatulong kami at makatulong din kayo sa bayan nating Lingayen”, pahayag ng alkalde.
Ang mga nasabing scholars ay ang mga mapapalad na nakapasa sa qualifying exam at qualifications ng LGU Lingayen. Handa namang tulungan ng lokal pamahalaan ang mga nasabing iskolars hanggang sa makatapos sila ng pag-aaral kaya naman inaasahan ding gamitin ng mga ito ang natanggap na financial grant sa wasto at maayos na paraan.
Samantala, aabisuhan na lamang ang ibang batch na antabayanan ang susunod na schedule nang pamamahagi ng nasabing educational assistance para sa isa pang semestre. (MIO/MRLlanillo/JMAquino)
Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan