ESPESYAL NA PROGRAMA, ILULUNSAD BILANG PAGKILALA SA MGA KABABAIHAN NG LINGAYEN
Pormal nang inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Lingayen ang kick-off ceremony para sa pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan o National Women’s Month ngayong Marso.
Bitbit ang temang “Babae sa Lahat ng Sektor, Aangat ang Bukas sa Bagong Pilipinas”.
Mismong si Mayor Leopolodo N. Bataoil at Vice Mayor Dexter Malicdem katuwang ang Municipal Social Welfare and Development Office o MSWDO ang nanguna sa paglunsad nito kahapon, Marso 3, 2025. Aktibo din itong nilahukan ng mga empleyado ng munisipalidad partikular ng mga kababaihan.
Kasabay ng pagdiriwang ay ang pag anunsyo ng ilang aktibidad na inihanda ng LGU Lingayen para sa mga kababaihan sa bayan.
Nariyan ang information dissemenation o pagpapakalat ng mga impormasyon patungkol sa karapatan ng mga kababaihan, pagkilala sa kanilang masigasig na kontribusyon sa ekonomiya, forum sa mga barangay at marami pang iba.
Tampok din dito ang mga libreng serbisyo para sa lahat ng mga kababaihan tulad ng Zumba, Massage, Manicure, Pedicure, Haircut at Skills Training na gaganapin sa Marso 7, 2025 sa Lingayen Civic Center.
Ayon sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) Lingayen, ito ay isang alternatibong pamamaraan upang makatulong sa mga kababaihan na mapagaan ang kanilang stress at mapabuti ang pangkalahatang pisikal na pangangatawan.
Una nang nagpahayag ng pagsuporta at paghanga si Mayor Bataoil sa mga kontribusyon ng kababaihan pagdating sa kaunlaran ng komunidad. Asahan umano na patuloy itong makikiisa sa mga adhikain at programa para sa mga kababaihan sa bayan.