
FACEMASK AT FACESHIELD MANDATORY NA PARA SA MGA SUMASAKAY SA PAMPUBLIKONG TRANSPORTASYON
Puspusan ngayon ang ginagawang paalala ng Philippine National Police o PNP Lingayen sa mga pampubliko at pampasadang sasakyan sa bayan na obligahin ang kanilang mga pasahero na magsuot ng faceshield simula Agosto 15, 2020.
Batay ito sa memorandum circular na inilabas ng Department of Transportation o DOTr kamakailan kung saan mandatory na ang pagsusuot ng face shield kapag sasakay sa pampublikong transportasyon.
Ayon sa naturang tanggapan, maliban sa face masks, ang mga pasahero sa lahat ng public transportation ay dapat nakasuot din ng face shield.
Sa katunayan ayon kay Police Lieutenant Col. Theodore Perez, hepe ng Lingayen Police Station, kasalukuyan na silang nagsasagawa ng information dessimination ukol dito at mahigpit na nilang pinapaalalahanan ang mga drivers at tsupers.
Sa pamamagitan ng mga checkpoints, hinihimok ng mga nakatalagang pulis ang mga dumadaang bus at mga jeep na maliban sa kanilang mga isasakay na pasahero, kinakailangan din nilang magsuot ng face shield bilang dagdag proteksiyon sa kani-kanilang mga sarili.
“Puspusan po yong pagre-remind natin sa public na magsuot ng face shield starting August 15 dahil yon po ang sinabi at utos ng DOTr. Sa checkpoints po natin, ang mga dumadaan po don na bus at mga jeep ay pinapaalalahanan tungkol dito” ani Perez.
Matatandaan na inilunsad ang naturang inisyatiba kasabay ng pagsusumikap ng gobyernong mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa mga pampublikong lugar at sasakyan.
Suportado din ito ni Mayor Leopoldo N. Bataoil at sinabing maganda ito bilang bahagi ng “minimum health standards” na ipinapatupad din sa bayan.
Batay pa sa pag-aaral, ang face shield ay maaa¬ring makapagpigil ng 99 porsiyento ng potential transmission lalo na kapag ginamit kasama ng face mask. (MIO)