
FINAL VALIDATION NG LISTAHANAN NG DSWD, NAKATAKDANG ISAGAWA
Bumisita sa tanggapan ni Lingayen Mayor Leopoldo N. Bataoil ang mga Area Supervisors mula Department of Social Welfare and Development Office (DSWDO) Region 1 ngayong ika-4 ng Nobyembre, 2020.
Tatlong Area Supervisors ang nakatakdang ma-assign sa bayan upang magsagawa ng evaluation at final validation ng Listahanan 3 Program. Una nang nagsagawa ng survey ang DSWD Regional Office 1 noong Setyembre 2019 sa mga kabahayan sa munisipalidad.
Ang Listahanan o National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR) database ay ina-update kada apat na taon.
Dito tinutukoy ang mahihirap na pamilya na mapapasailalim sa social protection program na ibinibigay ng ahensiya tulad ng social pension sa mga senior citizens at Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Ayon kay Municipal Social Welfare and Development Officer Lorenza Decena, nakatakdang ilabas ang Listahanan at ipaskil sa mga barangay sa darating na Nobyembre 18, ito ay upang makita at mapag-aralan ng mga taga barangay kung tunay na mahihirap na indibidwal o myembro ng pamilya ang naisama rito.
Halos lahat umano ng barangay sa bayan ay na-survey maliban sa malalaki at Urban barangays. Tinatayang 10% din ng kabuuang populasyon ng Lingayen ang dumaan sa assessment ng DSWD.
Samantala ang mga Area Supervisors na itatalaga sa bayan ay tatanggap ng mga may katanungan o reklamo ukol sa ilalabas na listahan para sa final validation. Layon nitong mamagitan sa pagsasa-ayos ng naturang database at maiwasang maisama ang mga non-poor o may kaya sa buhay at matiyak na mabibigyang prioridad ang pinaka mahihirap na pamilya sa ipinagkakaloob na social protection programs at services ng tanggapan.
Buo naman ang suporta ni Mayor Bataoil sa programang ito ng National Government, aniya malaking tulong ang mga ayudang ipinagkakaloob ng iba’t ibang national agencies kabilang na ng DSWD para matulungan sa buhay ang mahihirap niyang kababayan. (MIO)