Skip to main content

FOOD SAFETY HANDLING, ITINURO NG NMIS SA MGA MEAT VENDORS


Isang meat safety seminar para sa mga meat handlers sa bayan ang isinagawa ng National Meat Inspection Service (NMIS) katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Lingayen ngayong ika-28 ng Hunyo, 2022.

Dito ay binigyan sila ng karagdagang kaalaman patungkol sa Administrative Order No. 5 o mga Tuntunin at Regulasyon sa Malinis na Paghahanda ng Bagong Katay na Karne sa Pamilihang Bayan at Administrative Order No. 6 o ang Rules and Regulation on Hygienic Handling of Chilled, Frozen and Thawed Meat.

Ayon kay Ms. Raquel Retonio, Meat Inspection Officer at Consumer protection focal person, mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga meat vendors kung kayat mahalaga din na mabigyan sila ng sapat na kaalaman hinggil sa food security at food safety. Aniya, may mga tamang pamamaraan sa pagkakatay, paghawak at pagbebenta ng karne upang masiguro na ligtas ito sa anumang kontaminasyon.

Ibinahagi nito ang mga pamamaraan kung paano mapapanatiling sariwa at ligtas ang mga karneng ibinebenta at binibili sa mga pamilihan. Maging ang kanyang kasamahan na si Dr. Isagani Rodrigo – Senior Meat Control Officer ay nagturo at nagbigay din sa mga manininda ng karne at stall owners kung paano ang tamang proseso ng meat handling.

Nagsilbi ding resource speaker ang isa pa nilang kasamahan na si Mr. Mario Agbanlog Jr – Meat Inspection Officer at Food Animal Welfare Focal Person kung saan tinalakay naman nito ang mga regulasyon sa malinis na paghahanda at pagbebenta ng bagong katay na karne (chilled, frozen at thawed) sa pamilihan para sa proteksyon ng kalusugan ng mga consumers.

Aniya, nakapaloob sa Administrative Order No. 6 o Hygienic Handling of Frozen, Thawed and Chilled Meat na dapat panatilihing nasa loob ng freezer ang mga frozen products dahil malaki ang tsansa nitong makakuha ng bacteria sakaling ilabas sa freezer at maiba ang temperatura.

Kanila ding hinikayat ang mga meat vendors na magsuot ng uniporme, apron at hair net bilang hygienic practices. Mahigpit na ipinagbabawal naman ang pagsusuot ng mga alahas, paglalagay ng pabango sa damit o katawan pati na make-up sa mukha dahil posible umano itong makaapekto sa kalidad ng karne na kanilang ibinibenta.

Katuwang sa naturang aktibidad ang Market and Slaughter House Office ng bayan sa pangunguna ni Market Supervisor Arnulfo Bernardo. Ipinayo nito sa mga consumers na bumili lamang ng karne sa mga nagtitinda na mayroong health certificate at sumusunod sa Meat Inspection Code. Hiniling din ng naturang opisyal sa market vendors na panatilihin ang kalinisan hindi lamang sa kani-kanilang puwesto o stalls ngunit pati na ang buong pamilihang bayan. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan