Skip to main content

GINANAP NA SK NIGHT SA BAYAN NG LINGAYEN, NAPUNO NG KASIYAHAN

Naging matagumpay at puno ng kantahan at sayawan ang isinagawang Sangguniang Kabataan (SK) Night kahapon, Ika-29 ng Disyembre 2023 sa Lingayen Civic Center.
Ito ay sa pangunguna ni Mayor Leopoldo N. Bataoil, Sangguniang Bayan na pinamumunuan ni Vice Mayor Mac Dexter G. Malicdem, kaisa ang SK Federation Officers ng Lingayen na pinamumunuan ng kanilang Presidente na si SBM Carissa Joyce Tuazon, Local Youth Development Office, Tourism and Cultural Affairs Office, Municipal Information Office, General Services Office, Philippine National Police (PNP) Lingayen, Bureau of Fire Protection (BFP) Lingayen, Local Disaster Risk Reduction, and Management (LDRRMO), Municipal Health Office, at ng iba pang departamento at mga kawani ng lokal na pamahalaan.
Nagsimula ang naturang aktibidad sa isang programa na kung saan ay binigyan ng pagkakilala ang mga dating SK Chairpersons na nagsilbi sa bayan mula sa taong 2018 hanggang 2023, gayundin sa mga bagong halal na SK Chairpersons at kasabay nito ay ang pagbibigay parangal sa mga nagsipag-wagi sa Inter-Barangay Basketball Tournament ngayong taon.
Nakisaya rin upang magbigay ng kanilang pamasko sa tatlumpu’t dalawang (32) barangay at nagbigay ng kanilang mga mensahe sina Board Member Haidee S. Pacheco at Board Member Philip Theodore Cruz ng segundo distrito ng Pangasinan.
“Isang malugod na pagbati sa inyong lahat at nawa’y ang inyong pagsisilbi ng may puso’t malasakit para sa inyong mga kapwa kabataan sa inyong mga barangay ay patuloy na mag-alab at tinitiyak ng lokal na pamahalaan na kami ay naka-antabay at patuloy ang pagsulong ng mga proyekto at aktibidad para sa kapakanan ng mga kabataan.” Ito ay naging mensahe ni Mayor Bataoil na siya ring nagsilbi bilang panauhing pandangal.
Nakiisa rin ang Azul Band-Provincial Capitol Band sa aktibidad at matapos namang isagawa ang programa ay nagbigay kasiyahan ang Pinoy Rock Band na Siakol na sinundan naman ng umaatikabong tugtugin ni DJ Inna Gita ng House Manila at ni MC Blaize ng The Palace.
Ang SK Night ay isang aktibidad na parte ng selebrasyon ng Lingayen Cultural Presentation 2024 at hinihikayat ng alkalde ang publiko na makiisa at makisaya sa iba’t-ibang programang idaraos din sa bayan pagsapit ng unang linggo ng Enero taong 2024. (MIO_JMMangapot)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan