
GROUNDBREAKING NANG ITATAYONG LINGAYEN LEGISLATIVE BUILDING, IDINAOS
Pormal nang isinagawa ang groundbreaking ceremony para sa itatayong gusali ng Sangguniang Bayan (SB Lingayen) kasama ang Lingayen Public Library ngayong ika-9 ng Hulyo, 2021.
Pinangunahan mismo ni Mayor Leopoldo N. Bataoil at Vice Mayor Judy Vargas Quiocho ang naturang seremonya at personal din itong dinaluhan ni Pangasinan Governor Amado ‘Pogi’ I. Espino III at Congressman Jumel Anthony I. Espino, na naging mga instrumento upang makapaglaan ng pondo para sa naturang gusali.
Naroon din ang mga konsehal, mga mataas na opisyales ng iba’t ibang barangay, department heads at ilang mga empleyado ng munisipalidad upang saksihan ang nasabing aktibidad.
Kapwa nagpasalamat ang alkalde at bise alkalde sa mga kababayan partikular na ang mga indibidwal na walang sawang nagpapa-abot ng kanilang tulong at pagsuporta sa mga adhikain at proyekto sa bayan.
Pahayag ni Mayor Bataoil “Nagpapasalamat po ako dahil sa very inspiring ang maging Mayor ng Lingayen. The people would tell us, what they have in mind and in their heart”.
Ayon sa alkade, asahan umano na kanyang susuklian, kasama ang iba pang mga lider ng bayan, ng magandang serbisyo publiko ang tiwalang ibinigay ng mga kababayan.
Isang karangalan naman kung ituring ni Congressman Espino ang pagsilbihan at paglingkuran ang mga kababayan sa ikalawang distrito kabilang na ang mga Lingayenense.
Hiling lamang nito, isantabi muna ang usaping pulitika bagkus ay bigyan na lamang ng prayoridad at atensyon ang mga programa at proyektong para sa ika-uunlad ng komunidad.
“Sana isipin lang natin kung ano yong mga makakatulong at hindi yong personal na instensyon.
Isipin na lamang po natin kung ano ang makakabuti para sa ating bayan” ani ng congressman.
Samantala, para naman sa ama ng lalawigan, masaya umano siya na suportahan ang mga ipinapatupad na proyekto sa bayan lalo na’t ang pagsisilbi sa publiko ang isa sa kanyang pangunahing layunin.
“Ang purpose po ng public service natin is to serve more and to serve better. Pagsilbihan ang mas marami at maayos ang ating mga kababayan” pahayag ng nakatatandang Espino.
Sa katunayan, bukod sa konstruksyon ng bagong Legislative Building, kanya pa umanong tinitignan kung ano pa ang maaaring itulong ng provincial government sa bayan ng Lingayen.
Nobyembre 21, 2011 nang maipasa at maaprubahan ang resolusyon na akda mismo ni Vice Mayor Quiocho kung saan hiningi nito na mag-allocate ng municipal lot o lupa sa Brgy. Poblacion upang pagtayuan ng gusali ng Sangguniang Bayan at ngayon pa lamang ito nabigyang katugunan.
Pitong milyong piso (P7M) na pondo ang inilaan dito ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Gov. Espino habang P10 Million naman ang ilalaan ng nakababata nitong kapatid na si Congressman Jumel Espino.
Lubos ang pasasalamat ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa tulong ng dalawang nabanggit na lider, inaasahang naman na mas mapapataas pa ang pagbibigay ng de kalidad na serbisyong publiko sa mga kababayan. (MIO)