
HEALTH OFFICIALS NG BAYAN NAKA-ALERTO PA RIN DAHIL SA BANTA NG COVID-19
Naka-alerto ang mga health authorities upang mapigilan ang banta ng Coronavirus o COVID-19 kaugnay nito nagsagawa ng pagpupulong Rural Health Unit II sa pamumuno ni Dr. Ferdinand V. Guiang kasama ang kanyang mga health workers ika-9 ng Marso 2020.
Ito’y upang talakayin ang mga paghahanda ng lokal na pamahalaan ng Lingayen sakaling magkaroon ng mga emergency bunsod ng banta ng outbreak ng COVID-19 sa iba’t ibang lugar at bansa.
Ito ay bunsod na rin nang napaulat ang pagkakapositibo ng isang kababayan mula sa Australia matapos na dumalo sa isang alumni homecoming party sa probinsya.
Iniutos ni Guiang sa kanyang mga tauhan ang mahigpit na pagmomonitor hindi lamang sa kanilang clinic ngunit maging sa 32 barangay ng bayan.
Sisimulan na aniya ang pag-iikot sa mga barangay upang isagawa ang precautionary measures tulad na lamang ng thermal scanning at pagbibigay ng libreng alcohol sa mamamayan.
Pinayuhan din nito ang kanyang mga health workers na magsuot ng facemask upang maiwasan ang pagkahawa sa virus o anumnag uri ng sakit.
Nakatakda rin ang grupo na magsagawa nang information dissemination at turuan ng mga hakbang o mga pamamaraan ang publiko na maiiwasan ang COVID-19.
Samantala, patuloy din ang tanggapan ng Rural Health Unit I sa pamumuno si Dra. Sandra Gonzales sa pagmomonitor sa kalagayan at kalusugan ng mga empleyado ng munisipalidad.
Agad na nag sanitize ng mga tanggapan at kabuuan ng municipal hall.
Kaugnay nito ay ang paalala ni Mayor Leopoldo N. Bataoil sa publiko na huwag mag-panic sa mga kumakalat na ‘fake news’ sa mga social media o mga hindi kumpirmadong balita. Makibalita sa mga opisyal na anunsyo tulad ng Department of Health (DOH) at lehitimong sangay ng pamahalaan.
Pinapayuhan din ang publiko na magsagawa ng paglilinis at pagsanitize ng kani-kanilang lugar.
Kaugnay nito suspendido pa rin ang klase sa lahat ng antas sa bayan upang bigyang daan ang pagsanitize ng mga silid-aralan bilang kahilingan na rin Department of Education sa bayan.
Wala din umanong dapat ikabahala dahil nanatiling COVID FREE pa rin ang bayan ng Lingayen. (MIO)