Skip to main content

HEALTH PROTOCOLS MAHIGPIT NA IPINAPATUPAD SA MGA DINE-IN RESTAURANT SA BAYAN

Muling nagpaalala ang Department of Trade and Industry (DTI) Negosyo Center Lingayen sa mga restaurant at food establishment owners na istriktong sundin ang mga health at safety protocols na ipinapatupad sa bayan.

Kasunod na rin ito ng implementasyon ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) sa probinsya na nagsimula noong Hunyo 15, 2020.

Ayon sa naturang tanggapan, bagama’t lumuwag na ang quarantine protocol, kelangan pa ring ipagpatuloy ang pagsunod sa minimum health standards na inilabas ng Department of Health upang malabanan ang coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Paki-usap ng DTI sa mga may-ari ng food establishments, hindi lang sana sa unang araw o linggo ng reopening ang pagsunod sa itinakdang alintuntunin ng ahensiya at pamahalaan, kundi sa lahat ng oras dahil malinaw naman umanong nakasaad dito kung ano ang mga pwede at hindi pwedeng gawin.

Kabilang sa mga sinusunod na health protocols sa dine-in services ay ang pagsasagawa ng disinfection, pagpapatupad ng social distancing measures, pag gamit ng thermal scanners, at pamimigay ng alcohol sa kanilang mga costumers.

Nagpa-alala naman si Mayor Leopoldo N. Bataoil sa mga nabanggit na establisimyento na siguraduhin din ang kapakanan ng kanilang mga empleyado. Aniya, dapat din bigyan ang mga ito ng personal protective equipment (PPE) tulad ng facemask, face shield, gloves at hair caps.

Kung meron naman aniyang mga empleyadong may sintomas ng COVID 19, pinayuhan ng alkalde ang mga resto owners na huwag ng payagan pa ang mga itong magtrabaho. Ayon kay Mayor Bataoil, bukod sa kaligtasan ng mga customers, dapat din umanong tutukan ang kalusugan ng kanilang manggagawa lalo’t ang mga ito aniya ang humaharap sa publiko at instrumental sa operasyon ng kanilang mga kumpanya.

Una nang naglabas ng guidelines ang lokal na pamahalaan ng Lingayen para sa mga dine-in restaurant at iba pang food establishments sa bayan matapos payagan na mag-operate ng 50% kapasidad ang mga ito sa ilalim ng modified general community quarantine. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan