Skip to main content

Higit 500 Barangay Tanod at mga Kawani ng PNP at BFP, Sumailalim sa Drug Testing sa Bayan ng Lingayen

Bilang pagsuporta sa kampanya ng Department of the Interior and Local Government o DILG laban sa iligal na droga, sumailalim sa onsite drug testing ang mga barangay tanod mula sa 32 barangay sa bayan.

Pinangunahan ng Lingayen Police Station katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Lingayen ang naturang aktibidad na ginanap sa Lingayen Civic Center ngayong araw ng Miyerkules ika-21 ng Agosto 2024.

Ayon kay Mayor Leopoldo N. Bataoil ang isinagawang drug testing ay pagpapakita na dapat maging mabuting halimbawa ang mga nanunungkulan hindi lamang sa mga matataas na posisyon ngunit pati na rin sa lebel ng barangay. Sumasalamin aniya ito ng kanilang katapatan sa pagkakaroon ng malinis at serbisyong may integridad.

Bukod sa mga barangay tanod, nakilahok din sa nasabing drug testing ang mga kawani ng PNP Lingayen at BFP Lingayen. Humigit-kumulang 499 na tanod ang sumailalim sa drug testing habang 65 naman ang mula sa PNP at 21 ang kawani ng BFP.

Sa pamamagitan ng boluntaryong pagdalo sa drug testing, maipapakita umano ng mga lingkod ng bayang na sila’y malinis at sa pagseserbisyo publiko. Ang simpleng paglahok sa drug testing ay sumisimbolo sa kanilang marangal na pagtupad sa kanilang sinumpaang tungkulin. (MIO_MRVinluan/PJBayog)

MIO/GcRueda

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan