HIGIT TATLONG-LIBONG TRABAHO, INIALOK SA JOB FAIR SA BAYAN NG LINGAYEN
Dinagsa ng napakaraming aplikante mula sa Lingayen at maging residente ng karatig bayan at probinsiya ang isinagawang Job Fair sa bayan ng Lingayen nitong araw ng Martes, ika-17 ng Setyembre 2024.
Ayon sa ulat ng Public Employment Service Office ng lokal na pamahalaan, mahigit 3,327 vacant jobs at positions mula sa labing-isang (11) local at overseas companies o recruitment agencies ang binuksan sa naturang aktibidad.
Aabot sa siyam (9) na job applicants ang hired-on-the-spot mula sa 779 na registered jobseekers na nagtungo sa job fair.
Sa maikling mensahe, inaanyayahan ni Mayor Bataoil ang mga nakibahaging kumpanya na ipagpatuloy ang pakikipag-ugnayan sa bayan ng Lingayen. Aniya, “Come and see what Lingayen has to offer.”
Layon ng naturang job fair na bigyan ng oportunidad ang mga dumalo na makahanap ng magandang trabaho. Nanawagan rin si Mayor Bataoil na nawa’y magsilbing daan itong isinagawang aktibidad upang magkaroon ng pagkakataong mapabuti ang antas ng pamumuhay ng mga kababayan.
Samantala, ang mga recruitment agencies na lumahok sa Job Fair para sa local employment ay ang mga sumusunod:
– Staff Search Asia Services Coop (150 vacancies)
– Magic Appliance Center (21 vacancies)
– One Source Specialized Services Inc. (610 vacancies)
– Foundever Sitel Baguio (150 vacancies)
– Polaris Learning and Assessment Center (30 vacancies)
– Starman Enterprises Inc. (19 vacancies)
– The Medical City (166 vacancies)
– Victory Liner (122 vacancies)
Habang ang mga kumpanya naman na sumali para sa overseas employment ay kinabibilangan ng:
– Aquavir International Inc. (95 vacancies)
– Magsaysay Global Services Inc. (718 vacancies)
– 1st Northern International Placement Inc. (244 vacancies)
– Mayonview International Services (170 vacancies)
– PHIL Assist Life Manpower Corporation (74 vacancies)
– Placewell International Services Corporation (698 vacancies)
– Zontar Manpower Services Inc (60 vacancies)
Bukod sa pag-apply sa iba’t ibang mga kumpanya, nagkaroon din ng pagkakataon ang mga dumalong jobseekers na mag-avail ng government service mula sa Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Migrant Workers (DMW), at PhilHealth.
Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan ng Lingayen na ang mga aplikante na lumahok sa job fair ay lehitimo at dumaan sa tamang proseso.
Isa lamang ang idinaos na job fair sa mga hakbang na isinasagawa ng lokal na pamahalaan ng Lingayen upang mapababa ang unemployment sa kasalukuyan.
Patuloy rin umano ang pagsasagawa sa mga programang tulad ng Special Program for Employment of Students (SPES) at Government Internship Program (GIP) na layong matulungan ang mga kababayang makahanap ng trabaho. (MIO_PJBayog/MRVinluan)
MIO/RCSoriano