
HOME QUARANTINE NG COVID-19 PATIENTS, HINDI MUNA IPINAPAYO NG MHO
Hindi na muna hinihikayat ng lokal na pamahalaan ng Lingayen na sumailalim sa home quarantine ang mga indibidwal na nagpositibo sa COVID-19. Ito ang binigyang diin ni Municipal Health Officer ng bayan na si Dra. Sandra V. Gonzales.
Ayon sa opisyal, mahalagang mailabas ng kanilang bahay ang mga taong dinapuan ng COVID-19 upang hindi na mahawaan pa ng sakit ang kani-kanilang mga pamilya.
Aniya, mas malaki kasi umano ang tsansa na mahawa sa virus ang iba pang kasama sa bahay kung mag-home quarantine ang isang tao na nagpositibo kahit pa mag-isolate ito ng kanyang sarili sa hiwalay na silid.
“Diniscourage natin ang home quarantine lalo na sa mga positive Covid-19 patients. Kapag mga ganon, dapat sa facility quarantine na ng government” ani Gonzales.
Dagdag pa nito, ang mga mga symptomatic at mga may close contact sa COVID-19 patients ay kinakailangang ma-isolate sa quarantine facility habang maaari naman umano sa home quarantine ang mga mild at asymptomatic.
Paaalala lang ni Dra. Gonzales sa mga mag-quarantine sa bahay na kinakailangan munang makipag ugnayan sa kanilang tanggapan para sa ‘proper assessment”.
Mahigpit rin umanong sundin ang mga gabay o panuntunan upang hindi kumalat ang virus. Kabilang na rito ang pagkakaroon ng sariling kwarto at banyo sa bahay. Wala rin umano dapat kasamang buntis at mga matatanda na pawang mga ‘vulnerable’ sa naturang sakit.
Samantala, nilinaw pa rin ng MHOl na maaaring mabago ang ipinapatupad na health protocols depende sa magiging desisyon ng national government.
Kung maalala, inihayag lamang kamakailan ng Inter-Agency Task Force o IATF na maglalabas ito ng bagong deriktiba para sa tuluyang pagbabawal ng home quarantine.
Handa umano ang LGU Lingayen na i-adopt ang bagong guidelines sakaling oobligahin na ang lahat ng may COVID-19 na sa ospital o sa quarantine facility na manatili habang nagpapagaling.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang panawagan ng lokal na pamahalaan sa publiko na sundin ang mga minimum health standards tulad ng madalas na paghuhugas ng kamay, social distancing at pagsusuot ng face mask at faceshield lalo na sa mga pampublikong lugar. (MIO)