
IEC MATERIALS LABAN COVID-19, IPINAPAMAHAGI
Nagpapamahagi ang Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa pamamagitan ng Municipal Health Office ng mga Information, Education and Communication o IEC materials tungkol sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Isa-isang pinupuntahan ng mga health officials ang mga barangay sa bayan upang bigyan ang mga opisyales nito ng leaflets o flyers na ipapakalat naman sa kanilang komunidad.
Layunin umano nito na bigyan ng sapat na kaalaman ang lahat ng kababayan kung paanong mas magiging epektibo ang paglaban sa naturang virus.
Ayon sa MHO, makakatulong din ang pamamahagi nito lalo na sa mga pamilyang walang access sa anumang social media account o internet.
Sa ngayon, nasa sampung (10) barangay na sa bayan ang nabigyan ng nasabing IEC materials na kinabibilangan ng Brgy. Baay, Bantayan, Libsong East, Libsong West, Maniboc, Pangapisan Sur, Pangapisan North, Poblacion at Tonton.
Muli namang nanawagan ang LGU Lingayen sa publiko lalung lalo na sa mga bumiyahe sa mga lugar na may kaso ng COVID-19 na ipaalam sa kani-kanilang mga kapitan o sa Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) para sumailalim sa 14 na araw na self-quarantine at monitoring.
Hinikayat rin ang lahat ng kababayan na tumulong at maki-isa sa pagtalima sa paulit-ulit na paalala ng pamahalaan tulad na lamang ng pagsusuot ng face mask, face shield, pag obserba sa social distancing at palagian at tamang paghuhugas ng kamay gamit ang tubig at sabon o alcohol. (MIO)