Skip to main content

ILANG 4Ps BENEFICIRIES SA BAYAN, GRADUATE NA!


Binigyan nang pagkilala sa kauna unahang pagkakataon ang nasa isang daan at walong
(108) pamilya sa bayan sa pagtatapos bilang benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development.

Nanguna sa nasabing aktibidad si Mayor Leopoldo N. Bataoil at Vice Mayor Judy
Vargas-Quiocho kasama ang iba pang mga opisyal sa bayan.

Ayon sa DSWD, matapos ang walong taon, nagsagawa ang kanilang tanggapan ng
masusing assessment sa mga benepisyaryo at dito ay kanila umanong nakita na pasado na at nakatawid na ang mga ito mula sa kahirapan o poverty line.

Nangangahulugan na aalisin na sila sa listahan at ipapalit ang iba namang mga
kababayan na nangangailangan o ang mga poorest of the poor families.

Taos pusong pasasalamat ang ipinaabot ni Mayor Bataoil sa mga nagsipagtapos na
benipisyaryo. Ayon sa alkalde, hanga ito sa kanilang katapangan at diskarte sa buhay maitaguyod lamang ang kani-kanilang mga anak sa pag-aaral at mai-angat ang kanilang mga pamilya mula sa kahirapan.

Bagama’t nagtapos na bilang mga benepisaryo ng 4Ps, tiniyak ni Vice Mayor Quiocho na magpapatuloy pa rin ang mga tulong na dapat ibigay sa kanila mula sa gobyerno at sa lokal na pamahalaan.

Ang 4Ps ay naglalayong mapabuti ang kalagayang pantao ng mga pinakamahihirap na Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pinansiyal para sa kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng mga batang may edad 0 hanggang 18 gulang.

Kapag nagtapos na sa hayskul o labing siyam na ang edad ng benepisaryong anak sa isang pamilya ay tatanggalin na ito ng tanggapan at ituturn over naman sa ibang ahensya tulad na lamang sa employment assistance.

Maaari ring mismong ang pamilyang benepisaryo na ang boluntaryong mag exit kapag napapansin nilang umaangat na ang kanilang pamumuhay.

Nagbabala naman ang DSWD na mahigpit pa rin ang kanilang ginagawang monitoring sa mga naiwang benepisyaryo o mga pamilyang hindi nakakasunod sa panuntunan ng programa sa pamamagitan ng paglabag dito tulad ng pagsusugal. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan