Skip to main content

ILANG DISPLACED WORKERS MAKIKINABANG SA DOLE TUPAD PROGRAM

Tinatayang nasa isang daan at dalawampu (120) na manggagawa mula sa impormal sektor at mga nawalan ng trabaho sa bayan ang muling makikinabang sa job assistance na ipinagkakaloob ng Department of Labor Employment (DOLE) sa pakikipagtulungan na rin sa Lokal na Pamahalaan ng Lingayen.

Ito ay sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD Program kung saan pasok ang mga empleyado na under-employed, self-employed o displaced marginalized workers, na naapektuhan ang kita dahil sa pandemyang dulot ng coronavirus disease (COVID-19).

Layunin nitong makapagbigay sa kanila ng emergency employment o magkaroon ng pagkakakitaan upang kahit papaano ay makabangon sa krisis sa ekonomiya.

Ayon sa Human Resource Management Office o HRMO Lingayen, ang mga benepisyaryong manggagawa ay bibigyan ng trabahong may kaugnayan sa pagdidisimpekta at mga proyektong magpapanatili sa kalinisan ng iba’t-ibang mga barangay sa bayan sa loob ng 16 araw na pagtatrabaho.

Ang trabaho ay isa rin umano sa mga hakbang ng LGU Lingayen upang mapigil ang pagkalat ng COVID-19 sa lugar.

Babayaran ang mga manggagawa ng nasa mahigit P300 na sweldo kada araw o batay sa umiiral na pinakamataas na minimum wage o pasahod sa probinsya. Matatanggap ng mga TUPAD beneficiaries ang kanilang sahod sa pamamagitan ng Remittance Center pagkatapos ng pagtratrabaho ng labing anim na araw.

Lubos naman ang pasasalamat ni Mayor Leopoldo N. Bataoil sa tanggapan ng DOLE dahil sa walang sawa nitong pagtulong sa kanyang mga kababayan.

Pansamantala munang sasailalim sa orientation ang mga napiling benefeciaries bago tuluyang sumabak sa kanilang trabaho na magsisimula sa susunod na linggo.

Ang TUPAD ay isang community-based package ng Kagawaran na nagbibigay ng panandaliang tulong na trabaho upang mabawasan ang epekto ng kalamidad, sakuna at pandemya sa mga manggagawa sa impormal na sektor. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan