Skip to main content

Ilang Lingayenense Kabilang sa mga nagtapos sa Agent for Risk and Damage Management Training

Tumanggap ng pagkilala ang ilang kawani ng lokal na pamahalaan ng Lingayen at mga kawani ng barangay matapos na magsipagtapos ng kanilang Community-Based Disaster Risk Reduction and Management Training ng Office of the Civil Defense katuwang ang Office of the Presidential Assistant for Northern Luzon (OPANL).

Ginawaran ang mga ito sa isinagawang Agent for Risk and Damage Management Grand Closing Ceremony noong ika 22 hanggang ika-24 ng Enero, 2025 na ginanap sa Laoag City, Ilocos Norte sa pangunguna ni Ilocos Norte Governor Matthew Joseph M. Manotoc.

Limang (5) personnel mula sa Local Disaster Risk Reduction and Management Office o LDRRMO Lingayen, isa (1) sa Municipal Social Welfare and Development Office o MSWDO at labing anim na representatives (16) naman mula sa iba’t ibang barangay sa bayan ang masayang ipinagdiwang ang kanilang pagsusumikap at determinasyong matapos ang naturang pagsasanay.

Nagsimula ang kanilang training noong Hunyo 3 at nagtapos naman ng Nobyembre 29 noong nakaraang taon. Naging mga paksa sa training course ang anim (6) na modules na may kinalaman sa local hazards, risk assessment, prevention, and community-specific DRRM planning.

Ipinakita din ng mga volunteers ang pagiging masigasig at kanilang dedikasyon sa buong pagsasanay bitbit ang natutunan na mga mahahalagang kaalaman lalo na sa usapin nang pagtugon sa anumang kalamidad o sakuna na posibleng mangyari sa komunidad na kanilang nasasakupan.

Samantala, inaasahang magagamit na at maibabahagi rin ng mga nagsipagtapos ang kanilang natutunang kaalaman sa pagresponde lalo na sa panahon ng emergency. (MIO_MRVinluan)

Lingayen Ldrrmo

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan