
ILANG SEKTOR SA BAYAN NG LINGAYEN NABIYAYAAN NG LIVELIHOOD ASSISTANCE GRANT MULA SA DSWD
Nakatakdang bigyan ng Sustainable Livelihood Assistance Grant mula sa Department of Social Welfare and Development o DSWD ang ilang residente sa bayan na lubos na naapektuhan ng COVID-19.Ilan sa mga benepisyaryo nito ay ang mga tricycle drivers, sari-sari store owners at market vendors.
Ibinahagi ni Mayor Leopoldo N. Bataoil sa kanyang maikling mensahe ang kanyang pasasalamat sa naturang tanggapan dahil sa tuloy-tuloy at walang sawang pagtulong nito sa kanyang mga kababayan.
Umapela naman ito sa mga benepisyaryo na gastusin sa tamang paraan ang cash assistance na matatanggap sa pamahalaan tulad na lamang ng pagbili ng pagkain at iba pang basic necessities.
Maaari din umano itong gamitin upang muling ibangon at palaguin ang kani-kanilang mga dating negosyo. Iwasan na aniya na gastusin ito para lamang sa bisyo at iba pang ilegal na aktibidad.
Ang Livelihood Assistance Grant ay tulong pinansyal na maaaring gamitin bilang dagdag puhunan o kapital sa maliliit na negosyo o panustos sa paghahanap ng trabaho ng isang pamilya. Ito ay isa sa mga ayuda ng pamahalaan na aagapay sa mga pamilyang higit na naapektuhan o patuloy na maaapektuhan ang kabuhayan sanhi ng kasalukuyang pandemya.
Kasabay nito, nilinaw naman ng alkalde na walang halong pulitika ang pamamahagi ng naturang cash assistance taliwas sa mga paratang na kanyang natatanggap.
Ayon kay Mayor Bataoil, ang lahat ng mga tulong mula sa national government ay direktang ipinapamigay sa mga nangangailangang kababayan. Aniya, tumutulong lamang ang lokal na pamahalaan sa pagpapamahagi nito sa publiko.
Dagdag pa niya, hindi ito ang panahon upang unahin ang usaping pulitika. Sa halip, mas mainam umano kung pagtuunan na lamang ng pansin ang mga mahahalagang bagay na maaaring magawa o makatulong para sugpuin ang banta ng naturang virus. (MIO)