
INAGURASYON NG CASA REAL SA BAYAN NG LINGAYEN, IDINAOS
Matapos ang ilang taong pagsasaayos at renobasyon ng Casa Real sa mismong sentro ng capital town, pormal na itong pinasinayaan ngayong araw Hunyo 21, 2021.
Pinangunahan itoni Department of Tourism (DOT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat kasama sina Gov. Amado I. Espino III, Congressman Jumel Anthony I. Espino ng ikalawang distrito, Congressman Christopher De Venecia ng 4th district, kinatawan ng National Historical Commission of the Philippines, Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), at ni Lingayen Mayor Leopoldo N. Bataoil.
Naroon din upang saksihan ang naturang aktibidad ang Regional Director ng DOT at Provincial Tourism and Cultural Affairs Office, Department of Public Works and Highways District Engineering Office, kasama ang ilan pang opisyal ng bayan at lalawigan.
Ang Casa Real ay isa lamang sa mga renovated building project ni Mayor Bataoil noong ito’y nanungkulan pa lamang bilang Congressman ng ikalawang distrito katuwang si noo’y 5th district congressman Amado Espino , Jr. Isinulong ito sa kongreso upang mapondohan at maisakatuparan ang bisyon na mapanumbalik ang ganda at taglay nitong kasaysayan. Ito ay inisyal na napondohan sa tulong ng Provincial Government ng Pangasinan at kalaunan ay ng DPWH at ng TIEZA.
Nagsilbi din ito bilang kauna-unahang Provincial Capitol ng Pangasinan at isa sa mga itinuturing na pinakamatandang public building dito sa probinsya.
Taong 2002 ng pormal itong ideklara bilang isang National Historical Landmark ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP).
Sa nasabing inagurasyon ng Casa Real, inaasahang mas mapapalakas pa nito ang turismo at kalaunay makapagbibigay ng trabaho at hanapbuhay hindi lang sa bayan ng Lingayen ngunit maging sa buong lalawigan ng Pangasinan.
Samantala, ilang kababayan naman na una nang nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa gobyerno sa ilalim na rin ng Bayanihan Act ang personal na nakadaupang palad ni Sec. Puyat.
Kabilang sina Randy Castro – TODA Federation President, Kenneth Gamboa kinatawan ng President’s Hotel at Michelle Abliter ng Frankie’s Restaurant and Catering Services.
Layon ng Bayanihan To Recover As One Act na bigyang-daan ang mas maigting na COVID-19 response at pagtulong sa mga apektadong sektor at mas mapapabilis ang pag-ahon sa nararanasan krisis. (MIO)