
INANG NAWALAY SA ANAK NG MAHABANG PANAHON NA-RESCUE NG PULISYA
Inihatid ngayong araw, September 18, 2021 si Ginang Divina Estrada, 54-taong gulang mula Brgy. Poblacion ng mga operatiba ng Muntinlupa Police Station dito sa bayan ng Lingayen.
Ito ay matapos umanong ma-rescue ang ginang mula sa panlilimos sa kalsada. Ayon sa anak na si Mejica, halos labing-limang taon na niyang hindi nakikita o nakaka-usap man lang ang ina mula nang umalis sa bayan.
Kamakailan ay mayroon umanong nagmessage sa kanya sa facebook upang ipagbigay alam ang kalagayan ng kanyang ina sa Maynila.
Dito na humingi ng tulong si Mejica kay Mayor Leopoldo N. Bataoil upang matunton ang kinaroroonan ng ina. Ayon kay Mayor Bataoil agad siyang nakipag-ugnayan kay Southern Police District (SPD) Director, PBGen. Jimili Macaraeg na nagresulta nga upang ma-rescue ang ginang ng Women and Children’s Protection Desk ng Muntinlupa Police.
Personal namang inasikaso ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO) ang pagdating sa bayan ng ginang. Kasalukuyan munang mananatili si nanay Divina sa Municipal Isolation Facility upang masuri ang kanyang kalagayan at sumailalim sa test bago tuluyang makasama na ang kanyang anak.
Nangako naman ang Muntinlupa Police na iimbestigahan ang nasa likod ng sinapit ng ginang habang laking pasalamat naman ni Mejica kay Mayor Bataoil dahil sa wakas ay muli na niyang makakapiling ang ina.
Ipinaabot rin ni Mayor Bataoil ang kanyang pasasalamat sa SPD at kay Gen. Macaraeg at sa Mutinlupa PNP na agad umaksyon upang mai-uwi ang kababayang nangailangan ng kanyang tulong at matagal nang nangungulila sa kanyang pamilyang naiwan sa bayan ng Lingayen. (MIO)