
INFODEMIC DRIVE NG KAPULISAN LABAN COVID-19
Sinimulan ilunsad ng Philippine National Police o PNP Lingayen ang kanilang information campaign tungkol sa pandemya.
Layunin nito mapalaganap sa tatlumpu’t dalawang (32) baranggay sa bayan ang mga mahahalagang impormasyon patungkol sa iba’t ibang pamamaraan ng pag-iingat sa pagkalat ng sakit na dulot ng COVID-19.
Sa katunayan, ayon sa naturang tanggapan, sumailalim na sila sa training o pagsasanay upang maayos na maibahagi sa publiko ang mga natutunang kaalaman sa ilalim ng programang ‘C.A.R.E PNP’ o Coronavirus Awareness Response Empowerment.
Kabilang naman sa mga target na turuan ay ang mga magulang o ang mga head ng household kung paano maiiwas ang kanilang mga pamilya sa sakit.
Bahagi rin ng infodemic campaign ang paghihikayat sa publiko na mag-ehersisyo para mapanatiling malusog ang kanilang pangangatawan.
Samantala, muling nagpaalala ang Municipal Health Office sa publiko na ang patuloy na pagsunod sa mga umiiral na health protocols ang isa pa rin sa pinakamabisang paraan para malabanan ang virus at maiwasan ang pagdami ng kaso sa bayan. (MIO)