Information Caravan
Isang information caravan hinggil sa Coconut Farmers and Industry Development Plan o CFIDP ang isinagawa sa bayan ng Lingayen ngayong araw, ika-7 ng Oktubre, 2022.
Ito ay isang aktibidad ng Philippine Coconut Authority (PCA) katuwang ang Department of Agriculture (DA) at Lokal na Pamahalaan ng Lingayen na nilahukan ng mga magniniyog at magsasaka sa bayan.
Dito ay ibinahagi ang mga serbisyo patungkol sa CFIDP na binuo kasunod ng paglagda sa Republic Act No. 11524 na mas kilala bilang Coconut Farmers and Industry Fund Act.
Sa ilalim ng batas na ito ay malalaman kung ano ang mga benepisyo, programa, proyekto at serbisyo na maaaring matanggap ng mga coconut farmers na kalaunan ay makakatulong umano sa pagpapayabong ng sektor ng pagsasaka.
Ilan lamang dito ay ang mga sumusunod:
-Pautang sa mga magniniyog
-iskolarship o edukasyon para sa pamilyang magniniyog
-pasilidad at modernong makinarya para sa mga magniniyog
-hybridization at research
-insurance at marami pang iba
Nagkaroon din ng bukas na talakayan mula sa mga kalahok at mga tagapagpatupad ng programa ukol sa mga nabanggit na serbisyo pati na ang paglilinaw patungkol sa implementasyon ng Coconut Farmers and Industry Development Plan o CFIDP.
Ang nasabing aktibidad ay naisakatuparan sa tulong ng Municipal Agriculture Office ng bayan sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil na siyang naghahangad rin ng isang masagana, matatag at progresibong industriya ng pagniniyog sa bayan ng Lingayen. Naroon din sina Vice Mayor Dexter Maliucdem at Coun. Ricardo Ferrer, Chairman on Agriculture, Food and Agrarian Reform na buo rin ang pagsuporta sa mga programang magpapa-angat sa buhay ng mga magsasaka sa bayan. (MIO)