Skip to main content

INITIAL SAP 2 DISTRIBUTION, BUKAS NA!

Sisimulan na bukas, Agosto 11, 2020 ang distribusyon o pamimigay ng second tranche ng cash subsidy sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).

Ito ang kinumpirma ni Municipal Social Welfare and Development (MSWD) Officer Lorenza Decena.

Ayon sa opisyal, alas otso ng umaga bukas mag uumpisa ang pamamahagi ng mga claiming stub sa Lingayen Plaza Auditorium.

Apat na barangay ang uunahin bukas na kinabibilangan ng Brgy. Aliwekwek, Brgy. Baay, Brgy. Balangobong at Brgy. Balococ.

Sa bawat barangay mayroon lamang aniyang 50 benepisyaryo na maari mag-claim ng SAP sa unang araw. Ngunit hindi aniya ito nangangahulugan na limampu lamang ang makakatanggap dahil ang natitirang benefeciaries ay iiskedyul sa iba pang araw.

“50 lang muna sa first batch per barangay natin pero hindi ibig sabihin non’ na 50 lang ang makakatangap. Makakatanggap lahat ng qualified pero yong iba sa ibang araw at ibang schedule” ani Decena.

Ang scheduling aniya ay ginawa umano upang masunod ang “health and safety protocols” na tinakda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).

Magkakaroon din ng verification ang DSWD upang maiwasan ang duplication at hindi na maulit ang mga naging problema noong nakaraang pamamahagi ng ayuda.

Samantala, para sa mga senior citizens at Persons with Disabilities (PWDs), hinikayat ng naturang tanggapan na magpadala na lamang ng kanilang kinatawan upang makuha ang kanilang cash assistance.

Ito ang mahigpit na paalala ng MSWDO lalo na’t sila umano ang mga vulnerable sectors na hindi pinapayagang lumabas ng kanilang bahay sa harap ng COVID-19 pandemic.

Siguraduhin lamang aniya na may dalang authorization letter at certification na may pirma ng kapitan ang uutusang kinatawan. Huwag din umanong kakalimutang dalhin ang ID ng beneficiary at authorized representative.

Sisikapin naman ng LGU Lingayen na gawing mas mabilis at sistematiko na ang payout ng 2nd tranche ng SAP sa mga partners remittance centers habang inoobserbahan ang mga ipinapatupad na quarantine protocols. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan