
Isang simulation exercise ang isinagawa ng Philippine National Police o PNP Lingayen noong ika-30 ng Setyembre, 2021
Isang simulation exercise ang isinagawa ng Philippine National Police o PNP Lingayen noong ika-30 ng Setyembre, 2021 sa tanggapan ng Commission on Elections o COMELEC Lingayen.
Ito’y para sa paghahanda ng seguridad sa naturang lugar na inaasahang dudumugin ng mga tagasuporta ng mga magsisipaghain ng kanilang kandidatura para sa darating na 2022 National an Local Elections.
Unang nagpaskil ang mga pulis ng tarpaulin bilang indikasyon na kasalukuyang isinasagawa ang SIMEX o simulation exercise.
Sinundan naman ito ng pagdeploy ng ilang mga uniform personnel o pwersa ng pulisya hindi lamang upang matiyak ang seguridad sa bisinidad ngunit pati na ang layuning matulungang pangasiwaan ang mga kandidatong nais maghain ng kanilang Certificate o Candidacy(COC).
Ayon sa PNP Lingayen, kanila umanong titiyakin na magiging alerto ang kanilang hanay sa mga hindi inaasahang pangyayari lalo na’t nagsimula na ngayong October 1, 2021 ang opisyal na paghahain ng kandidatura na magtatapos hanggang sa ika-8 ng naturang buwan.
Panawagan lamang sa publiko na sundin pa rin ang mga ipinapatupad na health protocols tulad na lamang ng pagsusuot ng face mask at faceshield at pag-obserba sa social distancing kapag magtutungo sa tanggapan ng COMELEC.
Bukod sa PNP, tumulong at nakibahagi sa naturang simulation exercise ang Bureau of Fire Protection (BFP Lingayen), Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO Lingayen), Municipal General Service Office at Municipal Health Office. (MIO)