Skip to main content

Job Fair 2023, Idinaos ng LGU Lingayen

Matagumpay na naisakatuparan ngayong araw, ika-21 ng Setyembre 2023, sa Lingayen Civic Center ang malawakang Job Fair ng lokal na pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil at pakikipag-ugnayan sa Provincial Government ng Pangasinan.
Ito ay sa pangunguna rin ng Public Employment and Services Office (PESO) Lingayen, kaisa ang Department of Labor and Employment (DOLE), PESO Pangasinan, Department of Migrant Workers, at ang ibat-ibang lokal na kumpanya at mga overseas recruitment agencies sa bansa.
Naki-isa rin sa naturang aktibidad para sa One-Stop Shop Service ang mga ahensya ng pamahalaan gaya ng PhilHealth at Social Security System(SSS), na layong mapadali ang transaksyon at mailapit ang serbisyo publiko sa mga naghahanap ng trabaho.
Ayon sa Human Resource Generalist ng Staff Search Pangasinan, isa sa mga naki-isang ahensya sa aktibidad, bukod sa malaking tulong ang job fair sa kanilang kumpanya para makahanap ng mga kwalipikadong aplikante, ito umano ay isang magandang hakbang para matulungan ang mga naghahanap ng trabaho at hindi na nila kailangang magtungo pa sa kanilang tanggapan sa Eastern Pangasinan. “
“Maraming Salamat sa LGU Lingayen dahil sa programa gaya nito na bagaman ako ay mula sa Bayan ng Agno ay malugod pa ring tinanggap at nailapit sa amin ang oportunidad na makapagtrabaho,” ito naman ang naging pahayag ni Ginoong Jimuel Garcia, isa sa mga dalawampu’t apat (24) na Hired On The Spot (HOTS) sa Job Fair.
Ayon naman kay Lingayen PESO Manager, Cezca Katrina F. Mararac, layunin ng naturang aktibidad na mailapit ang mga oportunidad at pagkakataon na makapamili ng kumpanya at trabahong ang publiko na residente sa bayan at mga nagmula sa iba’t ibang panig ng Pangasinan. Dagdag niya, umabot sa 348 na aplikante ang dumalo at target ng lokal na pamahalaan na maidaos “quarterly” ang ganitong programa. Tiinitiyak din na tuloy-tuloy ang local recruitment at special o overseas recruitment activities sa bayan.
Bukod sa Job Fair, ang mga programa gaya ng Special Program for Employment of Students (SPES), Government Internship Program (GIP), at iba pa ay nais ding palawigin upang matulungan ang marami pa nating kababayan.
Tinitiyak naman ni Mayor Bataoil na patuloy ang pagsuporta ng lokal na pamahalaan sa mga programa at aktibidad na makakatulong sa mga naghahanap ng trabaho saan man bansa o maging sa abroad upang makatulong mabawasan ang unemployment rate sa kasalukuyan. (MIO/JMMangapot)
📷MIO/DDeGuzman/CCacondangan

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan