Skip to main content

KA.BA.LI.KA.T PATROL NAGHALAL NG MGA OPISYALES

Tagumpay na idinaos ang eleksyon ng mga opisyales para sa KAbabaihan at kaBAtaan sa isang LIgtas na pamayanan itaguyod kanilang KArapatan, Tungkulin ng bawat mamamayan) o ang KA.BA.LI.KA.T Patrol ng Pangasinan Police Provincial Office katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil at Vice Mayor Judy Vargas-Quiocho.

Nilahukan ng mga opisyales mula sa iba’t ibang mga barangay, non-government organizations (NGO), mga guro, pulisya, maging ng mga LGU personnel ang nasabing aktibidad na may layuning isulong at itaguyod ang karapatan ng mga kababaihan bilang pag-obserba na rin sa 18-day Campaign to End Violence Against Women (VAW).

Sa kanyang maikling mensahe, sinabi ni Mayor Bataoil, na napakahalaga ang tungkulin ng mga kababaihan sa lipunan kung kaya’t nararapat lamang din na isulong at kilalanin ang kanilang mga karapatan.

Sa katunayan, hinikayat nito ang kanyang mga kapwa kalalakihan lalo na ang mga may-asawa o partner na iparamdam sa kanila ang tunay na pagmamahal. Aniya, dapat na ipakita sa mga ito (asawa man o di kaya’y magulang, kapatid at anak na babae) na ang pag-ibig ay hindi mapanakit, hindi namimilit at laging handang umunuwa.

Para naman kay Vice Mayor Quiocho, ipagpapatuloy umano nito ang pagbibigay ng suporta sa lahat ng mga programa at proyekto para sa kanyang mga kapwa kababaihan. Aniya, kinakailangan masiguro na ang mga kababaihan at kabataan ay protektado laban sa anumang uri ng pang aabuso at karahasan.

‘I am very passionate lalo na sa kampanyang ito. I am willing to help 101 percent para suportahan po at protektahan ang karapatan po ng mga kababaihan at kabataan natin’, ani ng bise alkalde.

Samantala, nagbigay din ng kanyang mensahe sa mga napiling opisyales o elected officials ng KABALIKAT Patrol si Councilor JM Crisostomo. Ayon sa konsehal, isang magandang pagkakataon ang naturang programa upang matulungan ang mga kababaihan sa mga sakop nilang barangay.

‘Huwag nating sayangin itong opportunity na ito para gawin ang tama. Ipakita natin na ang mga kababaihan sa ating bayan ay may boses at umiiral ang kanilang mga karapatan” ani Councilor Crisostomo.

Bukod sa election of officers, nagkaroon din ng Distribution of Sim Cards na maaari umanong gamitin bilang hotline numbers ng mga barangay.

Nagpamahagi din ng mga libro o GAD Book na naglalaman ng mga impormasyon tungkol sa karapatan ng mga kababaihan at kabataan na naaayon sa saligang batas. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan