Kadiwa sa Lingayen, Matagumpay na Inilunsad
Binuksan na sa bayan ng Lingayen ang mas pinalawak na bersyon ng KADIWA o Kaapay sa Diwa at Gawa na programa ng Department of Agriculture.
Alok dito ay mga murang produkto ng mga kababayang magsasaka, mangingisda kasama na ang maliliit na mga negosyante mula sa mga karating bayan na nais kumita kahit sa maliit na halaga.
Isinagawa ang naturang aktibidad sa Lingayen Civic Center ngayong araw ng Huwebes ika-29 ng Agosto kung saan dinagsa ito ng mga mamimili.
Ayon kay Mayor Leopoldo N. Bataoil, hindi nagdalawang isip ang lokal na pamahalaan na payagang isagawa ang KADIWA sa Lingayen dahil mismong mga Lingayenense umano ang unang mabebenepisyuhan sa ganitong uri ng programa. Binigyan diin din nito ang kahalagahan ng pag-suporta sa mga maliliit na negosyo sa pamamagitan ng direct farm-to-consumer trade.
Lubos din ang pasasalamat ng buong lokal na pamahalaan ng Lingayen sa suporta ng Food Terminal Incorporated (FTI) na siyang tumulong upang masiguradong may sapat na supply ng bigas na nagkakahalagang 29 pesos at 45 pesos per kilo para sa mga Lingayenense.
Bukod sa homegrown products ng Lingayen tulad ng bagoong, bida rin ang iba’t ibang produktong nagmula sa karatig bayan tulad ng mga prutas, gulay, isda, karne, at mga pasalubong items. Sa halagang P29 pesos kada kilo, maaari nang makabili ng bigas ang mga kababayang nasa kategorya ng Solo Parent, Senior Citizens, PWDs pati na ang mga miyembro ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Sa isang panayam, sinigurado naman ni Municipal Agriculturist Dr. Rodolfo Dela Cruz sa publiko na sa kabila ng murang presyo hindi naman nakompromiso ang kalidad ng mga produktong mabibili dito.
Samantala, magkakaroon pa ng ikalawang bugso ang KADIWA dito sa bayan na gaganapin sa darating na Setyembre 16, 2024 habang ang ikatlong bugso naman ay sa Setyembre 30, 2024. (MIO_MRVinluan/PJBayog)
MIO/RCSoriano/GcRueda