Skip to main content

KASO NG ASF SA BAYAN, BUMABA NA AYON SA MAO LINGAYEN

Kinumpirma ng Municipal Agriculture Office (MAO) Lingayen na bumaba na ang kaso ng African Swine Fever (ASF) sa bayan.

Ayon kay Dr. Rodolfo Dela Cruz, Municipal Agriculturist, tuluyan nang bumaba ang kaso ng naturang virus matapos ipatupad ang community quarantine bunsod ng COVID-19 pandemic.

Aniya, paisa-isa na lamang ang kanilang naitatala sa mga barangay, bagay na ikinatuwa ng lokal na pamahalaan ng Lingayen.

Bukod dito, nakatulong din sa pagbaba ng ASF ang pagiging mulat ng mga magbababoy at ng lokal na pamahalaan sa problema sa pamamagitan ng pagpapatupad ng kanya-kanyang control measures.

Malaking bagay din aniya ang inilatag na checkpoints ng PNP Lingayen laban sa pagpasok ng mga undocumented pork products sa bayan.

“Kokonti na ang kaso ng ASF dito sa bayan natin, maituturing na isolated na lamang dahil paisa -isa na lang yong naitatala natin sa mga barangay. Syempre malaking tulong din yong checkpoints na ginagawa ng ating PNP para mapigilan yong pagkalat ng virus” ani Dela Cruz.

Sa kabila nito, sinabi ng opisyal na patuloy pa rin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga hog raisers upang mabantayan ang mga babuyan at agad maaksyunan ang mga natitirang kaso ng ASF infection.

Nakikipag ugnayan din ang LGU Lingayen sa Department of Agriculture upang matiyak na mabibigyan ng Cash Assistance ang mga hog raisers na lubusang naapektuhan ng ASF.

Umaasa naman si Mayor Leopoldo N. Bataoil na mawawakasan na ang kaso ng naturang virus sa bayan at tuluyang madeklara ang Lingayen bilang ASF Free upang bumaba na rin aniya ang presyo nito sa merkado. (MIO)

📸MAO Lingayen

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan