Skip to main content

KASO NG ASF SA BAYAN NG LINGAYEN, TINUTUTUKAN. BLOOD SAMPLING PATULOY NA ISINASAGAWA

Kinumpirma ng Municipal Agriculture Office (MAO) Lingayen na nadagdagan ang bilang ng mga barangay sa bayan na apektado ng African Swine Fever (ASF).

Mula sa tatlong bilang, umabot na ito ngayon sa limang barangay.

Ayon kay Municipal Agriculturist Dr. Rodolfo Dela Cruz, bukod sa Brgy. Namolan, Libsong East at West, naidagdag na rin ang Brgy. Matalava at Brgy. Tonton sa mga lugar na apektado ng naturang virus.

Aniya, ilang mga baboy sa mga nabanggit na barangay ang nagpositibo sa ASF matapos ang kanilang isinagawang blood sampling.

Ngunit agad namang nilinaw ng opisyal na “minimal” o maliit lamang ang bilang ng mga ito kung ikukumpara sa ibang bayan.

Sa kasalukuyan, inaalam na ng kanilang opisina kung papano nakarating o nai-transmit ang ASF virus sa mga alagaing baboy sa Barangay Matalava at Barangay Tonton.

Ayon pa kay Dela Cruz, isinailalim na sa culling process ang lahat ng mga nagpositibong alagang hayop upang maiwasan ang pagkakahawaan at pagkadamay ng iba pang mga backyard hog raisers. Apatnapu’t siyam (49) na baboy mula sa limang (5) hog raisers sa Barangay Tonton ang sumailalim sa culling habang limampu’t tatlo (53) mula sa anim (6) na hog raisers naman sa Barangay Matalava ang tuluyan nang ibinaon upang di na kumalat pa ang naturang sakit sa mga alagang baboy.

Sa ngayon, patuloy ang MAO Lingayen katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno sa pagsasagawa ng blood sampling, surveillance at animal quarantine checkpoint sa lahat ng mga barangay sa bayan.

Nagbigay na rin ng direktiba si Mayor Leopoldo N. Bataoil sa mga barangay chairman na magpatupad ng mahigpit na inspeksyon at quarantine sa mga backyard hog raisers para matiyak na wala nang maapektuhan ng ASF.

Sa kabila ng isyu ng African Swine Fever, nanindigan ang lokal na pamahalaan na walang problema sa supply ng baboy sa bayan. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan