
KASO NG COVID-19 SA BAYAN BUMABA NA SA NAGDAANG LINGGO
Ikinatuwa ng Municipal Health Office o MHO Lingayen ang pagbaba ng kaso ng coronovirus disease (COVID-19) sa bayan.
Dahil na rin ito sa sa masidhing kampanya ng Lokal na Pamahalaan at pagpapalakas ng health services para labanan ang nasabing nakamamatay na virus.
Ayon sa naturang tanggapan, patuloy ang pagtaas ng datos ng recoveries kumpara sa mga confirmed cases gayundin sa mga suspected cases kabilang na rin ang daily fresh cases na naitatala na siyang naging basehan ng datos.
Base sa kanilang pinakahuling datos, nasa 96 na bilang na ang nakarekober sa nasabing sakit at tatlo (3) lamang ang active cases habang apat (4) ang nasawi.
Naniniwala ang naturang tanggapan na malaking tulong ang isinasagawang mga programa ng LGU pati na ang mahigpit na implementasyon ng mga health protocols para malabanan ang pagkalat ng nasabing virus.
Samantala, ayon naman kay Dra. Sandra Gonzales, Municipal Health Officer ng bayan na ang Virgin Coconut Oil (VCO) ay maaring makatulong na panlaban sa COVID-19.
Ayon sa opisyal, maaaring mapababa ng VCO ang viral load ng COVID ng hanggang 60% to 90%.
Bukod sa mismong pagsira sa virus at pagpapababa ng lebel nito sa katawan, pinapataas din umano ng VCO ang immune response ng pasyente laban sa naturang virus.
Maaari umanong inumin ang VCO bilang kapsula, o ihalo sa kape o pagkain kada araw. Para naman sa may mga health conditions, mas maigi pa rin umanong kumonsulta sa doktor bago magdagdag ng kahit anong panibagong supplements.
Una nang nagsagawa ng anim na buwang experimentation sa compounds ng Virgin Coconut Oil (VCO) ang Department of Science and Technology – Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD).
Nadiskubre naman ng mga researchers na ang compounds ng VCO ay nakatutulong para sa cell survival.
Samantala, habang patuloy ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa bayan, hinihikayat pa rin ang lahat na huwag maging kampante at patuloy na sundin ang mga minimum health standards at safety protocols kasabay ng panalangin na ito’y magtuloy-tuloy na sa pagbaba hanggang sa tuluyan nang matapos ang pagkalat ng naturang sakit. (MIO)