
KASO NG ILIGAL NA DROGA, BUMABA KASABAY NANG PAG-IRAL NG COMMUNITY QUARANTINE
Bumaba ang kaso ng iligal na droga sa bayan.
Ito ang masayang ini-ulat ng Philippine National Police o PNP Lingayen kasabay na rin ng pag-implementa ng Community Quarantine sa bansa sa nakalipas na tatlong buwan.
Ayon kay Police Lt. Col Theodore A. Perez, hepe ng Lingayen Police Station, malaki ang naging epekto ng quarantine sa pagparalisa ng drug syndicates. Bukod kasi aniya sa takot na maaaring idulot ng COVID-19, kinakatakutan din umano ng mga kriminal o kawatan ang mga itinayong checkpoints sa mga boundaries sa probinsya.
Malaking bagay din umano ang naitulong nang mahigpit na implementasyon ng curfew mula alas otso ng gabi hanggang ala singko ng umaga (8:00pm-5:00am). Ayon sa opisyal, dahil sa nasabing ‘restriction’ nahirapan nang makakuha ng katransaksyon ang mga itinuturing na ‘dealer’ at ‘supplier’ ng ipinagbabawal na gamot.
“Bumaba yong bilang ngayon. Malaking tulong din yong quarantine dahil naging pahirapan ang transactions nila lalo na mahigpit yong checkpoints tas may curfew pa sa gabi” ani Perez.
Sa pinakahuling datos ng PNP, mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon, limang kaso lamang na may kinalaman sa iligal na droga ang naitala ng naturang himpilan. Ang mga ito ay mula sa Brgy. Tonton, Brgy. Poblacion, Brgy. Libsong West at dalawang Brgy. Pangapisan North.
Samantala, bagama’t lumuwag na ang mga quarantine protocol laban sa COVID-19, tiniyak ni Mayor Leopoldo N. Bataoil na ipagpapatuloy pa rin ng lokal na pamahalaan ang mahigpit na kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot.
Nanawagan din ito sa mga opisyales ng barangay, pati na sa kanyang mga kababayan na makipagtulungan sa PNP sa pamamagitan ng boluntaryong pagbibigay ng impormasyon sa pulisya laban sa mga illegal drug peddlers. (MIO)
📸 CTTO