Skip to main content

Kauna-Unahang Arangkada Lingayen Cycling Classic Idinaos

Matagumpay ang isinagawang Arangkada Lingayen Cycling Classic 2023 ngayong araw, ika-27 ng Nobyembre sa bayan ng Lingayen, sa pangunguna ng lokal na pamahalaan ng Lingayen na pinamumunuan ni Mayor Leopoldo N. Bataoil.
Ang naturang aktibidad ay nagsimula sa isang maikling programa sa Lingayen Civic Center, na kung saan ay nagsilbi bilang panauhing pandangal si Miss Jesse Grace F. Soriano, may dugong Lingayenense, at kandidata sa Miss Filipina International 2023 sa Los Angeles, California kamakailan.
Ayon kay Mr. Jesus Garcia Jr., Tournament Director-General, ang patimpalak na naganap ay dinaluhan ng mga siklista mula sa iba’t-ibang dako ng Pangasinan at ito’y isang indikasyon na hindi kailanman mawawala sa mga Pangasinense ang pagmamahal sa isport na cycling.
Dagdag niya, lubos ang kanilang pasasalamat sa ibinibigay na suporta ni Mayor Bataoil sa kanilang mga siklista.
Binigyan din ng pagkilala ang dalawampu’t isang past cycling champions na nagbigay ng mga parangal sa probinsya ng Pangasinan sa iba’t-ibang cycling tournament sa Pilipinas at maging sa ibang bansa mula pa noong 1958 hanggang sa kasalukuyan.
Lubos naman ang pasasalamat ni LMP Pangasinan Chapter President Mayor Pol Bataoil sa positibong pagtugon at reaksyon ng mga siklista, gayundin sa naging maayos at matiwasay na Arangkada Lingayen Cycling Classic 2023.
Naiuwi naman ni Marco Lumanog ng San Manuel, Pangasinan ang kampeonato sa naturang sports competion bilang paggunita na din sa ika-160th Bonifacio Day sa bayan.
Tinitiyak din ng alkalde na tuloy-tuloy ang pagsuporta ng lokal na pamahalaan sa mga aktibidad, hindi lamang sa cycling subalit maging sa lahat ng sports event and tournament. (MIO_JMMangapot)
📸MIO/RCSoriano/GcRueda

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan