
KAUNA-UNAHANG MASS WEDDING SA LINGAYEN BEACH, IDINAOS SA ARAW NG MGA PUSO
Damang dama ang araw ng mga puso matapos idaos ang kasalang bayan na isa sa mga nakalinyang programa at aktibidad ng Lokal na Pamalaan ng Lingayen tuwing sumasapit ang buwan ng Pebrero.
Animnapu’t isang pares (61) na magsing-irog ang lumahok upang mag-isang dibdib sa harap ng kanilang mga magulang, ninong at ninang kasama ang iba pang mga bisita. Nagsilbing Solemnizing Officer dito si Mayor Leopoldo N. Bataoil.
Nagbigay naman ng kanyang panimulang pagbati si Municipal Local Civil Registrar Officer Jojo Lopez sa lahat ng mga dumalo sa naturang aktibidad kabilang na ang mga kapwa nito department heads na nagpakita din ng kanilang taos pusong suporta.
Sinundan ito ng solemnity o opisyal na seremonya ni Mayor Bataoil na nagsabing espesyal ang araw ng pagdiriwang para sa 61 na magkasintahan. Aniya, hindi lamang ito isang ordinaryong araw dahil ito umano ay isang okasyon kung saan opisyal na pagbubukludin ang magsing-irog na matagal nang nagsasama.
Bilin din nito ay ang respeto, pag uunawaan at pagmamahal para sa isa’t isa lalo na kung makaranas man aniya ng problema o pagsubok sa kanilang buhay mag-asawa.
“Ang pag aasawa ay isang pangako na magbabahagi kayo sa isa’t isa ng malasakit, pagmamahal at pangangalaga. There is no perfect marriage. Kapag may pinagdaanan kayo, do not despair, do not worry because that’s normal. When that happens, keep praying dahil walang problema na hindi masosolusyunan. Also, find time to be together and tell your love one how you love each other especially when you have children” pahayag ng alkalde.
Matapos nito, nasaksihan na ng publiko ang itinuturing na highlight ng naturang aktibidad–ang palitan ng “I do” ng mga couples, pagsusuot ng singsing, subuan ng cake pati na ang pag tossed ng wine. Nag uwi rin ang mga ito ng regalo mula mismo kay Mayor Bataoil tulad ng framed picture, coffee mugs at iba pa. Mas lalo pang naging masaya ang naturang okasyon nang ng ipamalas ng 61 couples ang kanilang tiktok dance presentation.
Ito na ang ika-apat na Kasalang Bayan na inorganisa ng LGU Lingayen sa pamumuno ni Mayor Bataoil ngunit ito ang kauna-unahang mass wedding na idinaos sa mismong Lingayen Beach. Tema naman ng naturang okasyon ngayong taon ay “Pagbubuklod na Tapat, Tungo sa Kinabukasang Matatag”. (MIO)