Skip to main content

Komunidad Hinikayat na Maglinis upang Puksain ang mga Lamok na may dalang Dengue

Mas lalo pang pinalakas ng lokal na pamahalaan ng Lingayen ang pagsasagawa ng mga hakbang para maiwasan ang sakit na dengue. Ito’y upang masiguro ang kaligtasan ng mga kababayan laban sa naturang sakit na mas talamak ngayong panahon ng tag-ulan.

Sa katunayan, isang consultative meeting kasama ang kinatawan ng Provincial Health Office, Municipal Health Office-Lingayen, Barangay officials at barangay health workers ang isinagawa ngayong araw ng Lunes, ika-22 ng Hulyo 2024.

Dito ay tinalakay ang mga aktibidad, programa pati na ang pinakamabisang paraan upang pigilan ang pagkalat ng dengue sa bayan. Kabilang na dito ang pag implementa ng 4S kontra dengue:

1. Search and destroy mosquito breeding places
2. Self-protection or protecting oneself from mosquitos carrying dengue virus
3. Seek early consultation from doctors or other health personnel
4. Support fogging or spraying in hotspot areas

Nariyan din ang regular na pagsasagawa ng clean up drive sa mga barangay kung saan mismong mga barangay officials ang nangunguna sa pagpapatupad nito sa mga lugar na kanilang nasasakupan. Mayroon ding misting at fogging sa iba’t ibang mga paaralan, eskenita, loob at labas ng bahay kasama na ang mga basurahan na pwedeng pamahayan ng mga lamok.

Sa datos na inilabas ng Provincial Health Office, mula umano Enero hanggang Hulyo ngayong taon, nanguna ang Lingayen sa may pinakamaraming bilang ng dengue cases sa probinsiya dahil nakapagtala ito ng 210 na bilang. Sinundan ito ng bayan ng Bayambang na may 85 cases, Bugallon-79; Urbiztondo-75; San Carlos City-71; Binmaley-58; Mangatarem-53; Labrador-49 at Calasiao-35.

Umapela naman sa publiko si Committe on Health and Sanitation Councilor Von Carlo Tiangson na paigtingin ang kalinisan upang hindi na muling tumaas pa ang kaso ng dengue sa bayan. Tuloy tuloy din aniya ang pakikipag ugnayan nito sa tatlong Rural Health Unit’s na siya ding kanyang pinasalamatan dahil sa pagpa-prayoridad ng medical consultation lalo na sa mga pasyenteng may lagnat na isa sa mga simtomas ng dengue.

Samantala, inalerto naman ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang mga Barangay officials at iniutos ang palagiang pagmomonitor sa kanilang nasasakupan. Aniya, marapat din na magsagawa ang mga ito ng hakbang at solusyon kung paano mapupuksa ang naturang sakit.
“It is a serious concern here in Lingayen. Why? Because among the 44 towns here in Pangasinan, tayo ang pinakamaraming dengue cases. Why did I invite barangay officials to be present here? Kasi according to the books, according to the experience, sa atin ang solusyon” ani Mayor Bataoil.

Kasama sa listahan ng mga barangay may mataas na kaso ng dengue at nasa watchlist ng RHU ay ang sumusunod:
Pangapisan North-55
Malawa-25
Poblacion-18
Baay-13
Estanza-12
Tonton-10
Maniboc-9
Bantayan-7
Quibaol-7
Libsong East-6
Libsong West-6
Wawa-6
Domalandan West-5

Bagama’t naiuugnay ang pagtaas ng kaso ng dengue sa tag-ulan, muling nagpaalala ang Municipal Health Office o MHO Lingayen na regular na maglinis ng kapaligiran upang maiwasan ang pagdami ng lamok at pagkalat ng sakit na dengue. Pinaalalahanan din ang mga kababayan na agad magpakonsulta kung may maranasang sintomas ng dengue kabilang ang mataas na lagnat, sakit sa ulo at pananakit ng kalamnan at kasukasuan. (MIO_MRVinluan)
MIO/RCSoriano

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan