Skip to main content

LDRRMO LINGAYEN MULING PINAALALAHANAN SA KANILANG MGA TUNGKULIN


Pinulong ni Mayor Leopoldo N. Bataoil kahapon, Abril 21, 2022 ang buong tropa ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office o LDRRMO Lingayen.

Ito ay upang ipaalala sa kanila na paigtingin pa ang mga inisyatibo pagdating sa emergency, disaster response at rescue operations.
Ayon sa alkalde, napakahalaga na maging alerto ang mga LDRRMO personnel sa lahat ng oras at pagkakataon. Aniya, isa sa mga pinaka layunin ng kanilang tanggapan ay ang makapag bigay ng agarang tulong sa mga nangangailangan sa panahon ng sakuna o panganib.

Binigyang diin din nito na bilang mga rescuers, hindi dapat aniya ibinababa ang kanilang moral bagkus ay mas paigtingin pa lalo ang kanilang tungkulin bilang public servant.

Samantala, muli namang iginiit ni LDRRMO Chief Clark Mamaril na sapat sa kaalaman ng lahat ng kanilang tauhan sapagkat taun taon aniyang nagsasagawa at sumasailalim ang mga ito sa trainings o pagsasanay.
Kabilang na diyan ang First Aid at Basic Life Support (both manual & actual), Vehicle Operation Training, earthquake drills, Basic Offensive and Defensive Firefighting, Zero Visibility Search and Rescue at marami pang iba.

Nangako rin si Mayor Bataoil na susuportahan niya ang mga ganitong uri na aktibidad dahil alam umano nito na ito’y para sa ikabubuti ng kanyang mga kababayan.

Una ng nabigyan ng mga kumpletong mga disaster response equipment at gears ang mga LDRRRMO personel habang kamakailan lamang ay dumating naman ang dalawang brand new Mitsubishi 4×4 Strada pick up na kasalukuyan na nilang ginagamit para sa kanilang operasyon. Dalawang sub-stations na rin ang matagumpay na nailunsad kasama ang naipatayong Lingayen Watch Tower. Ang lahat ng ito ay proyekto ng lokal na pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Bataoil upang mas mapalakas ang kapasidad ng mga rescuers sa panahon ng emergency at sakuna. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan