Skip to main content

LDRRMO SUB-STATION II, INILUNSAD PARA SA WESTERN COASTAL BARANGAYS


Inilunsad ang magiging ikalawang sub-station ng Local Disaster Risk Reduction and Management Council o LDRRMO na sasakop sa coastal barangays ng Western District ng bayan kabilang ang Capandanan, Estanza, Malimpuec, Balangobong at Sabangan ngayong ika-20 ng Abril, 2022.

Naguna sa nasabing aktibidad si Mayor Leopoldo N. Bataoil kasama si Vice Mayor Judy Vargas-Quiocho, department heads, ilang mga empleyado ng munisipalidad, DENR, BFAR, PNP, Philippine Coast Guard, PNP-Maritime, ilan pang national government agencies at ni PDRRM Officer Rhodyn Luchinvar Oro na siya namang kumatawan kay Governor Amado “pogi” Espino III.

Isang simpleng seremonya ang isinagawa sa naturang lugar kung saan sa kanyang maikling mensahe sinabi ni Mayor Bataoil na ang naturang proyekto ay isa lamang sa naka-linyang mga development plan ng LGU Lingayen na layong mapreserba at maalagaan ang naturang lugar lalo na sa usapin ng marine sanctuary at eco tourism at palakasin pa ang emergency response capabilities ng bayan.

“We have determine, together with the department heads, in consultation with the provincial and regional, that this place should be put to good news, for the good of general public–the people of Lingayen, the people of Pangasinan. The purpose of this is for Marine Sanctuary, Eco-Tourism and then a place for the LDRRMO to respond immediately ” pahayag ng opisyal.

Pinuri naman ni PDRRMO Chief Col. Oro si Mayor Bataoil dahil sa isa nanamang matagumpay na proyekto ang kanyang naisakatuparan para sa mga kababayan. Aniya, maging si Gov. Espino ay pinuri ang disaster management at emergency response capability ng bayan ng Lingayen.

“Congratulations to Mayor Bataoil for another milestone project of putting up another LDRRMO Sub Station in this place and for always ensuring the safety of the entire municipality. Sabi nga po ng ating mahal na gobernador “Kung meron man pong nangunguna pagdating sa disaster management yan po ay ang bayan ng Lingayen” ani Col. Oro.

Samantala, kasabay ng paglulunsad ng naturang sub station, hinikayat ni Dir. Segundina N. Gaerlan ng BFAR Region 1 ang publiko na magtanim ng mangrove sa lugar. Aniya, nakita nito mismo na may ilang tumutubong halaman sa nasabing coastal area na isang magandang indikasyon. Malaking tulong umano ang pagtatanim nito upang maproteksyunan pa ang karagatan.

Ganito rin ang pahayag ni PENRO Cesar Cabansag, aniya kaakibat ng kahandaan sa anumang kalamidad ay pangangalaga rin sa kalikasan at kapaligiran. Hindi umano tayo dapat nagugulat sa pagdating ng mga natural disasters bagkus dapat ay patuloy na naghahanda at pinapalakas ang kapasidad upang mabawasan ang impact o pinsala sakaling dumating ito.

Ito na ang ikalawang substation na naipatayo ng LGU Lingayen sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Bataoil. Bukod dito, mayroon ding naipatayong Lingayen Watch Tower na makakatulong naman upang mas higit pang mabantayan ang ating karagatan mula sa mga iligal na gawain at mapalakas pa ang turismo sa bayan. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan