Skip to main content

LGU LINGAYEN AT DOLE, MAGKATUWANG SA PAGBAHAGI NG TULONG PANGKABUHAYAN SA 100 BENEPISYARYO

LGU LINGAYEN AT DOLE, MAGKATUWANG SA PAGBAHAGI NG TULONG PANGKABUHAYAN SA 100 BENEPISYARYO

Ngayong araw, ika-1 ng Mayo 2024, nagkaloob ang Department of Labor and Employment (DOLE) katuwang ang lokal na pamahalaan ng Lingayen ng tulong-pangkabuhayan sa humigit-kumulang isandaang residente ng bayan.

Sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP), dalawampung (20) negosyo sa kariton ang ibinahagi sa mga ambulant vendors, apatnapu’t dalawang (42) miyembro naman ang pinamahagian ng sundot-kulangot o calamay-making starter kits, at apatnapu’t isang (41) ang nakatanggap ng kakanin-making starter kits. Layon ng naturang programa na mabigyan ng “sustainable” na pagkakakitaan ang mga benepisyaryo nito.

Kabilang sa mga dumalo sa programa sina Mayor Leopoldo N. Bataoil, Vice Mayor Mac Dexter Malicdem, Administrator Robert Sylim, Councilor JM Crisostomo, at Councilor Jolo Lopez. Mariin namang pinaalalahanan ng mga lingkod bayan ang mga benepisyaryo na kanilang pangalagaan at palaguin ang natanggap na tulong dahil isa itong pagkakataon upang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya.

Nagsilbi namang panauhing pandangal si dating senador Bam Aquino kung saan nagpaabot siya ng mensahe sa mga benepisyaryo na patuloy na magsikap, magtiyaga, at magbanat ng buto upang ang kikitain at ang tulong ng gobyerno ay maging sapat para sa pangtustos sa pang araw-araw na buhay.

Ayon sa panayam kay Mark David Sanchez na siyang DILP Focal Person ng Western Pangasinan, magkakaroon rin ng quarterly monitoring upang makasiguro na napapangalagaan ang kanilang ipinagkaloob ng pangkabuhayan. Ang pagmonitor nila ay siya ring paraan upang makilatis kung sino ang nararapat pang bigyan ng dagdag tulong o ang tinatawag na enhancement assistance.
Bukas naman sa lahat ang naturang programa at maaaring makipag-ugnayan sa Public Employment Service Office (PESO) ang mga interesadong dumaan sa proseso ng screening upang ma-verify kung kwalipikadong maging benepisyaryo ng tulong pangkabuhayan. (MIO/PJBayog/MRLlanillo)

📸MIO/CCacondangan/JMMangapot/GcRueda

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan